DOH HINIMOK ANG PUBLIKO: I-DONATE ANG ORGAN NG MGA NASAWI

Secretary Francisco Duque III

HINIMOK ng Department of Health (DOH) ang mga pamilyang Filipino na i-donate ang organ ng kanilang namayapang mahal sa buhay upang makapagligtas ng buhay.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na  sa pamamagitan ng organ donation, maililigtas ang buhay ng mga ngangangailangan ng transplantation.

Mapabubuti rin ang kalidad ng buhay ng walo o higit pang indibidwal.

Maaaring mai-transplant ang organ ng tao  katulad ng  atay, bato,  puso,  baga, intestines, pancreas, mata, buto, balat, at maging ang blood vessels.

Ayon pa kay Duque, hindi sinusuportahan ng DOH ang incentivized organ donations dahil magdudulot ito ng peligro sa donor at sa recipient.

Maraming nangangaila­ngan ng organ transplantation sa mga ospital, subalit mababa ang turnout ng kidney transplant  dahil na rin sa  kakula­ngan ng kaalaman ng publiko, maling paniniwala, at kakulangan ng pondo.

Ang mga misconception o maling paniniwala na matapos na mamatay ang isang tao, dapat ay wala itong sugat o hindi gagalawin ang kanyang katawan, ang isa sa dahilan kung bakit mababa ang mga nagdo-donate ng kanilang organs.

Bukod pa rito ang paniniwala rin na hindi na magiging normal ang buhay ng isang tao kapag nag-donate halimbawa ng isang kidney o bato.

Isa si dating pangulong Fidel Ramos sa tinanggalan ng isang bato noong siya ay 22 anyos lamang matapos magkaroon ng komplikasyon.   NENET VILLAFANIA

Comments are closed.