DOH NAGHAHANDA NA SA  PAGDAGSA NG DENGUE CASES

dengue

PINAGHAHANDAAN na rin ng Department of Health (DOH) sa ngayon ang posibleng pagdagsa na naman ng mga kaso ng dengue sa bansa, ngayong nalalapit na ang panahon ng tag-ulan.

Tiniyak pa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa kabila ng pagiging abala nila sa coronavirus disease 19 (COVID-19) pandemic ay handa pa rin naman sila sa pagharap sa iba pang mga sakit sa panahon ng tag-ulan kagaya ng dengue at iba pa.

Ayon kay Vergeire, pinaalalahanan na rin nila ang mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy pa rin ang pagbibigay ng mga health services na dati ng ibinibigay bago pa ang COVID-19 pandemic.

Aniya, dapat ay may hiwalay na nakalaan para sa COVID-19 at para sa iba pang health care services.

Nagtalaga na rin  ang DOH ng mga COVID referral hospital upang magkaroon ng espasyo sa iba pang ospital para naman sa mga non-COVID patients.

Una ng sinabi ng DOH na bumababa na ang mga kaso ng dengue sa bansa.

Nabatid na mula Disyembre 22 hanggang 31, 2019, nasa 815 dengue cases lamang ang naitala na mas mababa ng 87% kumpara sa mga naitala sa kaparehong petsa noong 2018. ANA ROSARIO HERNANDEZ