(DOH nagpaalala sa publiko) MAG-INGAT SA LEPTO

leptospirosis

BINALAAN ng Department of Health (DOH) ang mga mamamayan na mag-ingat laban sa sakit na leptospirosis, na maaaring dumami bunsod na rin ng pananalasa sa bansa ng bagyong Tisoy kamakailan.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, matapos ang pagbayo ng bagyo ay tiyak na may mga pagbaha na magaganap at hindi maiiwasan ng ilang mamamayan na lumusong sa maruming tubig, na maaaring kontaminado ng ihi ng daga, na siyang nagdudulot ng naturang nakamamatay na sakit.

Pinayuhan din ng kalihim ang publiko na kung hindi naiwasang lumusong sa baha ay magsuot ng protective gears, gaya ng bota, at tiyaking agad na maghuhugas ng mga paa at binti, gamit ang sabon at malinis na tubig.

Aniya pa, sakali namang makaranas na ng sintomas ng sakit ay hindi na dapat pang magdalawang-isip na kumonsulta sa doktor o magtungo sa pinakamalapit na health center upang mabigyan ng mga gamot gaya ng doxycycline o penicillin.

Karaniwang sintomas ng sakit ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo at sikmura, pa­ngangatog, pananakit ng kalamnan, paninilaw ng mga mata at balat.

Babala pa ni Duque,  ang leptospirosis ay maaaring makamatay kung ipagwawalambahala lamang at hindi agad maaagapan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.