KASADO na ang full alert sa lahat ng mga pasilidad ng Deparment of Health (DOH)-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) kasunod ng pagsabog ng Taal Volcano sa Talisay, Batangas noong Linggo.
Bukod sa nakaalerto ang Kagawaran, mamimigay rin ito ng libreng N95 na facemask at mga eye drops at protection kits sa lahat ng mga residenteng apektado sa rehiyon.
“All health facilities are ready to provide preventive measures on the possible effects caused by the volcanic eruption that may include traumatic injuries, burns, suffocation, skin diseases, eye injuries, respiratory problems, conjunctivitis and even death,” ayon kay Regional Director Eduardo C. Janairo sa ginawa nitong pakikipag-usap sa mga provincial health official at iba pang kinauukulan sa rehiyon.
Dagdag din ni Janairo, na ipinakalat na rin nito ang lahat ng health emergency personnel, provincial health team leaders at maging ang mental health team sa mga lugar na higit na nangangailangan ng serbisyong medikal.
Ipinaaalala rin nito partikular sa mga taong may sakit na emphysema o asthma at may bronchitis na makalalanghap ng ashfall na agad na sumangguni sa doktor para maiwasan ang kumplikasyon.
Paliwanang ni Janairo, na ang volcanic ashfall na dulot ng volcanic eruption ay mapanganib sa kalusugan at maari itong magdulot ng pananakit o pangangati ng mata, ilog at lalamunan, hirap sa paghinga, pag-uubo at pangangati ng balat.
Payo ni Janairo na manatili na lamang sa loob ng bahay kung wala namang importanteng lakad, isara ang bintana at pintuan upang hindi pumasok ang abo na dulot ng pagsabog ng Taal at makinig ng balita. PAUL ROLDAN
Comments are closed.