DOH NAKAALERTO NA SA KAPASKUHAN

Secretary Francisco Duque III

NAKATAAS na ang alerto ng Department of Health (DOH) upang matiyak ang kanilang kahandaan para ngayong Kapaskuhan.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, simula pa Disyembre 21 ay naka-code white hanggang code blue alert na sila.

Aniya, nais nilang matiyak ang kahandaan ng lahat sakali mang kailanganin ito o magkaroon ng mga ‘di inaasahang kaganapan.

“Ang aking direktiba sa atin pong mga ospital sa buong Pilipinas [lalong lalo na sa NCR, Region 1, 6] at mga iba pang rehiyon na kung saan nakapagtala ng mataas na kaso ng fireworks injuries ay ang kahandaan ng mga ospital, kahandaan ng kanilang gamit, kahandaan ng kanilang yaman tao or human resource for health—mga doctors, surgeons,  anesthesiologist, nurses, medtechs—lahat po iyan nagco-code white to code blue alert tayo sa ganoong mga panahon,” ayon kay Duque.

Ipinaliwanag niya na sa i­lalim ng code white, ang lahat ng mga yamang-taong pangkalusugan o human resource for health, na kahit hindi sila pumapasok sa trabaho ay kailangang handa sila.

“Anytime on call. Tatawagan sila. So kailangan tumugon sila sa lalong mada­ling panahon at tumulong to compliment the response to the emergency cases if and when there is an unusually high number of cases, then we mobilize all of the employees of the health workforce of the hospital,” aniya pa.

Kaugnay nito, pinaalalahanan pa ng kalihim ang publiko na manatiling masinop at ligtas laban sa paputok.

“Pinapaalalahan ng inyong Kagawaran ng Kalusugan na manatiling masinop at ligtas lalo na sa paputok na karaniwang nasasaksihan sa ganitong okasyon,” aniya. ANA ROSARIO HERNANDEZ