DOH, WHO, UNICEF NAGSANIB SA WORLD IMMUNIZATION WEEK 2022

NAGSANIB-PUWERSA ang Department of Health (DOH) Center for Health Development-Calabarzon, World Health Organization (WHO), at ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa inilunsad na 3-month Catch-up vaccination drive laban sa vaccine-preventable diseases (VPDs) sa pagdaraos ng World Immunization Week (WIW) 2022 na ginanap sa SM Masinag, Antipolo City, Rizal nitong nakaraang Linggo.

Ipinagdiriwang ang World Immunization Week sa huling Linggo ng Abril kung saan layuning itaas ang kahalagahan ng vaccines at i-promote ang nagagawa ng vaccine para protektahan ang publiko laban anumang sakit.

Sa inilunsad na World Immunization Week, ipinahayag ni Health Secretary Francisco Duque na dahil sa COVID-19 pandemic ay bumagsak ang bilang ng routine vaccinations para sa mga sanggol.

“Layunin ng selebras­yon na ito ay iparating sa publiko ang kahalagahan ng bakuna sa pagpapanatili ng buhay na mahaba at malusog. Sa ating kampanya ay hihikayatin natin ang publiko na kompletuhin ang bakuna sa bawat yugto ng kanilang buhay mula sa pagkapanganak hanggang sa pagtanda” dagdag pa ni Duque.

Samantala, ang mass catch-up vaccination drive ay sabay-sabay na ilulunsad sa 38 lugar sa buong kapuluan kung saan aabot sa 1.1 milyong bata o 80 porsiyento na hindi nakatanggap ng bakuna ang nararapat na bakunahan.

Nagpapatuloy naman ang DOH sa routine immunization services sa lahat ng batang Pinoy sa pamamagitan ng catch-up and community-based immunization campaigns.

Dahil sa pananalasa ng COVID-19 pandemic ay naantala ang health care services kabilang na ang routine immunization kaya aabot lamang sa 65.2 % ang Fully Immunized Child ( FIC) noong 2020 habang 48.5 porsiyente naman noong 2021.

Ang National Vaccination Days para sa routine at catch-up Immunization tulad ng Chiki­ting Bakunation Days ay isasagawa tuwing huling Huwebes at Biyernes simula Abril hanggang Hunyo.

Kabilang ang Pentavalent vaccine laban sa diphtheria, pertussis, tetanus, hepatitis B, Haemophilus influenzae type B; oral polio vaccine (OPV) at pneumococcal conjugate vaccine (PCV) ang vaccines for administration.

Gayunpaman, ang World Immunization Week 2022 na may temang “Magpabakuna na, Long life for all,” ay nanawagan na muling ibalik ang proteksyon ng bawat pregrant woman, infant, adolescent, at elderly sa pamamagitan ng immunization para sa healthier at longer life ng mga Filipino. MHAR BASCO