DOJ NILAGDAAN ANG BINAGONG IRR NG GCTA LAW

SA layuning palakasin ang sistema ng Corrections sa bansa at tiya­kin ang kapakanan ng mga person deprived of liberty (PDLs) na nagsusumikap magbago, pinangunahan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” C. Remulla ang paglagda ng Department of Justice (DOJ) sa Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10592 o mas kilala bilang Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law sa Bureau of Corrections (BuCor).

Sa pormal na seremonya na nilahukan ng DOJ at ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nangako ang dalawang ahensya na mahigpit na susunod at tapat na ipatutupad ang mga probisyon ng binagong IRR sa kani-kanilang mga penal jurisdiction.

Kasunod ng isang desisyon ng Korte Suprema, lahat ng PDLs anuman ang kanilang kaso ay may karapatang makinabang sa GCTA matapos ang kanilang hatol.

Sa ilalim ng Rule III ng binagong IRR, obligado ang mga awtoridad ng piitan na ipaalam sa mga PDL ang probisyon ng Article 29 ng Revised Penal Code (RPC) patungkol sa preventive imprisonment credits.

Nakasaad dito na ang panahong ginugol sa preventive imprisonment ay maikakaltas nang buo o apat na bahagi (4/5) mula sa kanilang sentensya.

Samantala, tinalakay sa Rule IV ang paraan ng pagkalkula ng GCTA sa panahon ng Preventive Imprisonment at Post-Conviction at ang mga aktwal na mababawas na araw batay sa mga sumusunod:

  1. Dalawampung (20) araw na bawas sa unang dalawang (2) taon ng pagkakakulong;
  2. Dalawampu’t tatlong (23) araw na bawas mula ikatlo hanggang ikalimang taon ng pagkakakulong;
  3. Dalawampu’t limang (25) araw na bawas mula ika-anim hanggang ikasampung taon ng pagkakakulong at
  4. Tatlumpung (30) araw na bawas mula ika-labing isang taon at sa mga susunod na taon ng pagkakakulong.

Kabilang din sa mga binagong probisyon ng IRR ang Time Allowance for Study, Teaching and Mentoring (TASTM), Agarang Pagpapalaya ng mga PDL sa ilalim ng Preventive Imprisonment at Special Time Allowance for Loyalty (STAL).

“This manifesto is a reflection of this admi­nistration’s unwavering commitment to upholding and fostering  the welfare of our PDLs by delivering compassionate justice with paramount consideration for human dignity and human rights, Bagong Pilipinas, Bagong Pag-Asa para sa mga kapatid natin sa mga piitan” pahayag ni  Remulla.

Ang binagong IRR ay magkakabisa matapos ang labinlimang (15) araw mula sa publikas­yon nito sa hindi bababa sa dalawang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.

RUBEN FUENTES