NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa tamang benepisyo para sa mga organizer at volunteers sa idaraos na 30th Southeast Asian Games (SEA Games) sa bansa.
Ayon kay Labor Undersecretary Ana Dione, ang mga volunteer ay hindi regular na mga empleyado.
Sila ay boluntaryo o kusang tumutulong sa mga aktibidad, gaya ng pagdaraos ng SEA Games.
Bagama’t hindi maituturing ang mga volunteer na mga manggagawang pinasusuweldo, sinabi ni Dione na dapat pa ring maibigay ang kaukulang benepisyo at pasahod para sa kanila
Inihalimbawa ng labor official ang allowances, pamasahe at pagkain, na maaaring ibigay sa mga volunteer para sa kanilang serbisyo.
Sakali namang may mangyari sa mga volunteer na hindi inaasahan, sinabi ni Dione na dapat sagutin ito ng organizer.
Nabatid na humigit-kumulang 9,000 ang accredited volunteers para sa SEA games.
Tiniyak naman ng SEA Games organizer na ang mga volunteer ay sumailalim sa trainings at mayroong uniporme at ID, at tiyak na may libreng pagkain. ANA ROSARIO HERNANDEZ