ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma bilang pinuno ng inter-agency council na mamamahala sa adoption ng Program Convergence Budgeting (PCB) para sa livelihood and employment programs ng bansa.
Ang PCB ay tututok sa government resources sa mga key program at proyekto ng pamahalaan kasama ang iba pang kagawaran at ahensiya na may iisang layunin.
Ang pagtatalaga ng inter-agency council na mangangasiwa sa adoption sa PCB ay ipinanukala ng Department of Budget and Management (DBM) at inaprubahan ng Pangulong Marcos sa sidelines ng sectoral meeting nitong Martes, Agosto 27.
Ang sectoral meeting ay dinaluhan ng mga government official kung saan natalakay ng DBM ang mga programa ng pamahalaan, aktibidad at proyekto.
Ayon sa DBM, titingnan ng PCB ang budget requirement para sa kabuhayan at trabaho ng mga benepisyaryo, para walang duplikasyon, sabi ng DBM.
Sa presentasyon ng DBM sa 14th Cabinet Meeting noong June 22, 2023, inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng departamento at ahensya na makipag-ugnayan sa DBM para sa rasyonalisasyon ng mga magkakatulad, overlapping, at redundant na mga programa at proyekto.
Nilinaw naman ng Pangulo na hindi magtatanggal ang programa sa mga kagawaran.
Nagsagawa na rin ng rapid assessment sa mga mga existing livelihood, employment, feeding PAPs at propriety sa rationalization at pagsasama ng mga proyekto at aktibidad.
Sinuri rin nito ang posibilidad na mabuhay ng mga programang pinangangasiwaan ng iisang focal agency, pangunahing nakatuon sa mga sistema at mga aspetong nauugnay sa produktibidad at ang mga implikasyon nito kaugnay ng pagsisikap sa rightsizing at devolution ng gobyerno.
Bukod sa DOLE, maaaring hilingin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o Department of Agriculture (DA) na pamunuan ang PCB sa kabuhayan at trabaho, sabi ng DBM.
EVELYN QUIROZ