(DOLE tatanggap na ng aplikasyon simula bukas) P5K CASH AID SA WORKERS KASADO NA

SISIMULAN na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtanggap ng aplikasyon bukas, Enero 24, para sa P5,000 cash assistance para sa mga manggagawa na naapektuhan ng Alert Level 3 sa Metro Manila at iba pang lugar.

“Starting Monday, January 24, tayo ay magsisimula nang tumanggap ng applications para sa P5,000 financial assistance para sa mga naapektuhan ng Alert Level 3 at pataas,” pahayag ni DOLE Assistant Secretary for the Employment and General Administration Cluster Dominique Tutay sa isang panayam sa radyo.

Ayon kay Tutay, ang financial assistance ay ang P1-billion COVID Adjustment Measure Program (CAMP) 2022.

Aniya, ang mga kuwalipikado ay ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa permanenteng pagsasara ng kanilang kompanya at mga manggagawang suspendido ang trabaho  dahil pansamantalang sarado ang kanilang kompanya dahil sa Alert level 3.

Naunang sinabi ni Tutay, na siya ring director ng Bureau of Local Employment, na bibigyang prayoridad ng DOLE sa CAMP 2022 cash aid program ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa permanenteng pagsasara ng kompanyang kanilang pinapasukan o yaong na-retrench sa trabaho.

Nilinaw niya na sa ilallm ng CAMP 3, hindi kabilang sa mga benepisyaryo ang mga nasa ilalim ng flexible work arrangement.

Ang one-time P5,000 cash aid ay para sa private workers at inaasahang mabebenepisyuhan ang nasa 200,000 manggagawa.

Sa datos ng DOLE, mula  January 1 hanggang 15, maraming manggagawa sa administrative and support services, manufacturing, construction, food and accommodation and other services ang nawalan ng trabaho.

Ang mga apektadong manggagawa ay maaaring mag-apply para sa CAMP 2022 financial assistance sa pamamagitan ng DOLE Establishment Reporting System (ERS) sa https://reports.dole.gov.ph.