PINAYAGAN na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease ang pagbabalik ng domestic flights sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine, ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade,
Gayunman, sinabi ni Tugade na dapat itong nay pahintulot mula sa kinauukulang local government units.
“Kagabi po ‘yung Inter-Agency Task Force, ‘yung ating chief implementer, si Secretary [Carlito] Galvez, nag-issue na ng kasulatan at kautusan na kung saan ang sinasabi po niya allowed na ang domestic commercial aviation,” ani Tugade.
“Ang kailangan ho dito aprubado lang ng [local] government,” dagdag pa ng kalihim.
Ito, ayon kay DOTr Assistant Secretary for Planning and Project Development Giovanni Lopez, ay dahil may ilang lokal na pamahalaan ang tumatangging tumanggap ng domestic flights.
“Nagkaroon lang po ng kaunting isyu pagdating sa ating mga lokal na pamahaalaan. May agam-agam sila na tumanggap ng domestic flights,” ani Lopez.
Sa pagpupulong ng DOTr at ng NTF ay napagpasiyahan, aniya, na uunahin na lang ang LGUs na gusto at handang tumanggap ng domestic flight.
Nauna rito ay sinabi ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at Air Asia na unti-unti nilang ibabalik ang kanilang operasyon ngayong buwan makaraang ianunsiyo ng pamahalaan ang pagluwag sa community quarantine restrictions sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Simula noong Hunyo ay umiral na ang GCQ sa Metro Manila mula sa enhanced community quarantine.
Comments are closed.