NANANAWAGAN ang isang asosasyon ng mga panadero sa pamahalaan, at sa local government units (LGUs) na agad ipaabot ang anumang uri ng donasyon sa mga apektado ng kalamidad tulad ng pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas.
Ayon kay Lucito “Chito” B. Chavez, dating VP ng Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL), makabubuti kung agarang mapapaabot sa mga nangangailangan ang mga pagkaing donasyon mula sa iba’t ibang sektor, higit lalo ang mga tinapay dahil ang mga ito ay madaling masira.
Magugunitang aabot sa 80,000 piraso ng nutri-aid at iba pang uri ng masustansiyang tinapay ang ipinamahagi ng Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL), at iba pang bakery tulad ng Tinapayan Festival Bakeshoppe, sa iba’t ibang bayan sa Batangas partikular sa Cuenca, na tinaguriang “Home of the Bakers” nitong nakaraang pagsabog ng Bulkang Taal.
Kabilang sa mga bayang tumanggap ay ang Balayan, San Luis, Malvar, San Nicolas at Alitagtag.
“Maliit lamang kaming bakery, ayon kay Chavez, pero pinilit naming gumawa ng 10,000 piraso araw-araw sa loob ng mahigit isang linggo para ipamahagi sa nasalanta ng bulkan. Malaking tulong ang naibigay ng PAFMIL na nagbigay ng 100 sako ng harina para gawing nutri-aid bread, isang uri ng soft roll,” ani Chavez.
Malaki ring ambag ang libo-libong tinapay na dinala ng iba pang panaderong Cuencaño hindi lamang sa bayan ng Cuenca kundi maging sa iba pang bayan sa Batangas. Isa rito ang Alitagtag Association of Barangay Captain President (ABC) Ding Mangundayao at ng mga namumuno sa bayan ng Cuenca, na tumulong upang maayos na maipamahagi ang mga tinapay sa mga karatig-bayan sa Batangas.
Ang Tinapayan Festival ay nakapagpaabot din ng mga naturang nutri-aid sa tulong ng Civil Service Commission (CSC) sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan. Nagpapasalamat si Chavez sa dinagdag na 30 bag ng harina ng San Miguel Mills sa programang nabanggit.
Agaran ding nagpadala ng 5,000 hamburger buns ang Liberty Bakery na pag-aari ni Mr. Henri Ah. PAUL ROLDAN
Comments are closed.