DONCIC UMUKIT NG KASAYSAYAN; MAVS UNGOS SA KNICKS SA OT

Luka Doncic

NAGPOSTE si Luka Doncic ng career highs na 60 points at 21 rebounds, nagbigay ng 10 assists at isinalpak ang isang put-back, may isang segundo ang nalalabi upang ipuwersa ang overtime, at naitakas ng Dallas Mavericks ang 126-121 panalo kontra bisitang New York Knicks noong Martes.

Ito ang unang 60/20/10 performance sa kasaysayan ng NBA.

Natabunan ng historic performance ni Doncic ang career-best night ni New York’s Quentin Grimes, na umiskor ng personal-high 33 points at napantayan ang kanyang career high na may pitong 3-pointers. Nagdagdag si Julius Randle ng 29 points at kumalawit ng 18 rebounds sa pagkatalo, at nag-ambag si Mitchell Robinson ng 20 points at 16 rebounds.

Lakers 129, Magic 110

Nagbuhos si LeBron James ng 28 points upang pangunahan ang anim na players sa double figures at pinutol ng bisitang Los Angeles ang four-game losing streak sa panalo kontra Orlando.

Kumana si Russell Westbrook ng triple-double na may 15 points, 13 rebounds at 13 assists, nakalikom si Thomas Bryant ng 21 points at 10 rebounds at napantayan ni Troy Brown Jr. ang kanyang season high na may 15 points. Umiskor si Patrick Beverley ng14 points at nagdagdag si Lonnie Walker IV ng 10.

Nanguna si Markelle Fultz para sa Orlando na may 16 points, habang tumapos sina Wendell Carter Jr. at Franz Wagner ng tig-15. Umiskor si Terrence Ross ng 13, tumipa si Moritz Wagner ng 12 at nagdagdag si Bol Bol ng 10.

Wizards 116, 76ers 111

Nakakolekta si Kristaps Porzingis ng 24 points at 10 rebounds at nalusutan ng host Washington ang 48-point performance ni Joel Embiid at tinapos ang eight-game winning streak ng Philadelphia.

Umiskor si Bradley Beal ng 19 points at nagdagdag sina Kyle Kuzma at Rui Hachimura ng tig-14 upang ihatid ang Wizards sa ikatlong panalo sa apat na laro kasunod ng 10-game losing skid.

Nagtala si Embiid ng 17 of 32 shots mula sa floor at 13 of 14 mula sa free-throw line para sa 76ers. Kumubra si James Harden ng 26 points at 13 assists at nagdagdag si Tobias Harris ng 15 points.

Sa iba pang laro, pinabagsak ng Celtics ang Rockets, 126-102; kinatay ng Pacers ang Hawks, 129-114; ginapi ng Clippers ang Raptors, 124-113; namayani ang Thunder sa Spurs, 130-114; pinaso ng Suns ang Grizzlies, 125-108; namayani ang Warriors sa Hornets, 110-105; at pinayuko ng Nuggets ang Kings, 113-106.