PUSPUSAN na ang paghahanda ngayon ng Department of Tourism (DOT) at Intramuros Administration (IA) ang paggunita ng mga Katoliko sa Semana Santa.
Inaasahan na kasi ang pagdagsa at pagbi-Visita Iglesia ngayong Mahal na Araw ng libu-libong Katoliko sa Intramuros area, kung saan matatagpuan ang ilang malalaki at makasaysayang simbahan sa bansa.
Nabatid na nagpaabiso na ang DOT at IA sa mga motorista na isasara nila ang General Luna Street mula sa gabi ng Miyerkoles Santo hanggang Biyernes Santo (April 17-19).
Pinaalalahanan din nila ang publiko ukol sa tamang paggunita sa Semana Santa, lalo na sa mga simbahan, gaya ng huwag main-gay, magsuot ng angkop na damit at huwag magkalat.
Ayon sa DOT at IA, ilan sa mga simbahang maaaring bisitahin ng mga Katoliko sa Mahal na Araw ay ang Manila Cathedral, San Agustin Church, Fr. Willman Chapel, PLM Chapel, MAPUA Chapel, Lyceum of the Philippines Chapel, Colegio de San Juan de Letran Chapel, BIR Chapel at Fort Santiago Chapel.
Anila, bukas ang mga naturang simbahan mula 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali ng Huwebes Santo (April 18) at mu-la 9:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi ng Biyernes Santo (April 19), at sa Sabado de Gloria (April 20).
Mayroon ding mga Holy Week activities gaya ng Penetencia sa Huwebes Santo sa Manila Cathedral at Plaza Roma, habang may Station of the Cross sa kabahaan ng General Luna Street.
Noong nakaraang Mahal na Araw ay pumalo sa 900,000 lokal at dayuhang turista ang bumisita sa Intramuros.
Samantala, tiniyak din naman ng Manila Police District (MPD) na magpapakalat sila ng sapat na bilang ng kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng mga Katolikong bibisita sa mga simbahan sa Intramuros. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.