DPWH, JAPAN PINAGTIBAY ANG KOOPERASYON

MULING pinagtibay ng Pilipinas at Japan ang kanilang matatag na ugnayan sa lara­ngan ng impraestruktura at pagpapalitan ng kaalaman sa mga makabagong teknolohiya sa pagtatayo at pangangalaga ng mga kalsada at tunnel sa ginanap na 3rd Workshop on Technical and Business Cooperation for Road Construction and the Operation and Maintenance (O&M) of Road Tunnels and Related Facilities sa Diamond Hotel sa Maynila.

Pinangunahan nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Senior Undersecretary Emil K. Sadain, Ministry of Land, Infrastructure, Transport and Tourism (MLIT) Assistant Vice Minister Hashimoto Masamichi, Japan Ambassador to the Philippines Endo Kazuya at Japan International Cooperation Agency (JICA) Philippines Office Chief Representative Sakamoto Takema ang nasabing workshop na naglalayong palakasin ang impraestruktura ng bansa upang maging matatag, ligtas at pangmatagalan.

Ayon kay Senior Undersecretary Sadain, mahalaga ang workshop na ito upang mapalawak ang teknikal na kaalaman at maipatupad ang mga pinakamahusay na pamamaraan sa impraestruktura ng bansa.

Dumalo rin sa workshop ang ilang kilalang eksperto kabilang sina Public-Private Partnership Center Deputy Executive Director Jeffrey Manalo, JICA Road Planning and Management Expert Eiji Ochiai at Metropolitan Expressway Company Deputy Manager Omura Takashi.

Kasama rin sa mga dumalo sina DPWH Assistant Secretary Constante A. Llanes, Jr., UPMO-Roads Management Cluster I Project Director Benjamin A. Bautista, at iba pang kinatawan mula sa DPWH, pribadong sektor at mga concessionaire ng expressway.

Sa nasabing okasyon, ginawaran si DPWH Secretary Manuel M. Bonoan ng FY2023 International Lifetime Contribution Award mula sa Japan Society of Civil Engineers (JSCE) na siyang kauna-unahang Pilipino at tanging hindi Hapones na nakatanggap ng prestihiyosong parangal.

RUBEN FUENTES