DRAGONS RUMESBAK

Laro sa Enero 4:
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. – Ginebra vs Bay Area

DINISPATSA ng Bay Area ang Barangay Ginebra, 99-82, sa Game 2 upang maipatas ang serye sa 1-1 sa harap ng crowd na mahigit sa 16,000 kagabi sa Araneta Coliseum.

Magpapahinga ang dalawang koponan ng anim na araw bago ipagpatuloy ang kanilang PBA Commissioner’s Cup best-of-seven title showdown sa Jan. 4 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sa pagkatalo ay nabigo ang Gin Kings na itarak ang 2-0 bentahe papasok sa 2023 play.

Bigo rin ang Ginebra na maitala ang 3-0 kontra guest team sa buong torneo.

Pinangunahan nina Andrew Nicholson, Songwei Zhu, Hayden Blankley at Kobey Lam ang Bay Area sa pagresbak mula sa 96-81 Game 1 loss kung saan nagtuwang sila sa 10 three-pointers at kabuuang 83 points.

Para sa Dragons, ang malaking susi ay ang manatiling naka-lock in at maglaro sa gitna ng ingay ng Ginebra die-hards.

Binanggit din ni coach Brian Goorjian ang kanilang tamang adjustments, na nagbigay-daan para makuha nila ang rebounds at makontrol ang laro.

“Tonight, we defended without fouling. We adjusted on the PBA rules, and we have to stay that way moving forward,” sabi ni Goorjian.

Kinontrol ng Dragons ang second quarter at lumayo hanggang sa second half.

Natakasan ni Nicholson ang depensa ng Ginebra at nanguna para sa Dragons na may 30 points at 15 rebounds.

Nagbuhos si Zhu ng 17 sa first half at tumapos na may 25 habang nag-ambag sina Blankley at Lam ng 17 at 11, ayon sa pagkakasunod.
“We just wanted to stay locked-in and we executed what we practiced,” sabi ni Zhou, sa pamamagitan ng isang interpreter.

Lumapit ang Kings sa pitong puntos, tinapyas ang 52-35 halftime deficit, ngunit nanatiling matatag ang Dragons at muling umalagwa sa fourth quarter.

Nanguna si import Justin Brownlee para sa Kings sa kinamadang 32 markers at 11 boards.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Bay Area (99) – Nicholson 30, Zhu 25, Blankley 17, Lam 11, Ju 9, Yang 5, Reid 2, Song 0.
Ginebra (82) – Brownlee 32, Malonzo 10, Thompson 9, Tenorio 8, Standhardinger 8, Pinto 5, J.Aguilar 5, R.Aguilar 3, Pringle 2, Gray 0, Mariano 0.
QS: 22-16, 52-35, 68-60, 99-82.