MAGSASAGAWA ngayong araw ang Inter-Agency Council for Traffic (IACT) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng simultaneous operations sa mga public utility vehicles (PUVs) sa ilang mga lugar upang tiyakin na naipatutupad ang pagbibigay ng discount sa mga senior citizen, may kapansanan at mga estudyante.
Aasistihan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang gagawing operasyon ng I-ACT at MMDA kontra sa PUVs na hindi sinusunod ang pagbibigay ng discount sa mga senior citizen, may mga kapansanan at estudyante.
Sinabi ni Department of Transportation Undersecretary and IACT overall head Tim Orbos, ang pagbibigay ng 20 percent discount sa mga ito ay itinatakda ng batas kaya dapat sumunod ang mga drayber dito.
Nabatid na ang lahat ng pampublikong behikulo ay obligadong magbigay ng diskuwento sa mga nabanggit.
“I appeal to our drivers to honor the all-year round 20% discount for students, PWDs, and senior citizens,” ani Orbos.
Kapag hindi sumunod sa batas na ito ang mga drayber ay huhulihin at pagmumultahin.
“Refusing to grant such discount would cause more trouble because violators will be subjected to stricter penalties depending on the number of times the offense was committed,” dagdag pa ni Orbos.
Ang unang paglabag ay may multang P5,000, sa ikalawang paglabag ay P10,000 at i-impound ang sasakyan sa loob ng 30 araw at sa ikatlong paglabag ay multang P15,000 at kanselasyon ng prangkisa.
Hinimok pa ang mga senior citizen, may kapansanan at mga estudyante na magsampa ng reklamo kontra sa mga drayber na hindi nagbibigay ng discount. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.