QUEZON – DALAWA ang nasawi at apat ang lubhang nasugatan matapos salpukin ng isang Mazda Pick-up ang isang tricycle at isang motorsiklo sa Provincial Road bahagi ng Brgy. Potol, Tayabas City kahapon.
Kinilala ng Tayabas-PNP ang mga nasawing sina Jermy Manalo, 69-anyos, driver ng tricycle, residente ng Brgy. San Isidro, Zone-1; at Jose-fita Alega, 57- anyos, residente ng Brgy. Potol at guro ng Potol Elementary School.
Nakilala naman ang suspek na driver ng pick-up na si Samson Chang, 63-anyos ng Brgy. Block 23 Lot 1, Golden City Subd., Brgy. Canlalay, Biñan, Laguna.
Base sa report, bandang alas-5:00 ng hapon habang sakay ng tricycle ang apat na guro na ilang metro ang layo mula sa paaralan nang biglang araruhin ito ng rumaragasang pick-up at nadamay pa ang motorsiklo na minamaneho ni Felix Salvan, 59-anyos, residente ng Brgy. Anos.
Halos nadurog ang ulo, buto at laman nila Manalo at Alega dahil sa pagkakaipit sa bakal ng tricycle at pader na agad binawian ng buhay bago pa ma-rescue ng mga nagrespondeng DRRMC Rescue Tayabas.
Mabilis namang nadala sa ospital ang mga nagtamo ng sugat na sina Felix Salvan, tatlong guro na sina Cassandra Tabi, 23-anyos, Shernan Pabruada, 33-anyos, at Ma. Lina Ayangco, na mga residente ng Tayabas City.
Kasalukuyang nakakulong sa Tayabas-PNP costudial facility ang suspek na si Chang at nahaharap sa mga kasong RIR to double homicide, damage to property and serious physical injuries. BONG RIVERA
Comments are closed.