MAYNILA – MALAKING porsiyento ng mga pribadong establisimiyento sa buong bansa ang nagpapatupad ng drug-free workplace policy ng pamahalaan.
Sa ulat ng Department of Labor and Employment-Bureau of Working Conditions, sa 59,380 pribadong establisimiyento na sumailalim sa inspeksiyon sa taong 2018, umabot sa kabuuang 57,837, o 97.4 porsiyento, ang sumusunod sa Department Order No. 53-03, o Guidelines on the Imple-mentation of a Drug-Free Workplace.
Nakasaad sa kautusan ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga empleyado ng lahat ng establisimiyento sa pribadong sektor, kabilang ang kanilang mga contractor at concessionaires.
Nagtala ang Region 10 ng pinakamataas na compliance rate na 100 porsiyento. Ang lahat ng 2,731 establisimiyento na sinuri ng mga labor inspector ay tumutupad sa drug-free workplace policy.
Ang iba pang rehiyon na nagtala ng high compliance rate ay Cordillera Administrative Region, 99.9 percent; Western Visayas, 99.9 percent; Ilocos Region, 99.4 percent, at Bicol Region, 98.9 percent.
Tumutupad din sa drug-free workplace ang mga establisimiyento sa rehiyon ng Southern Tagalog, 97.9 percent; National Capital Region, 97.8 percent; Mimaropa, 97.8 percent; at Davao Region, 97.7 percent.
Kasama sa ipatutupad ng kompanya para sa kanilang polisiya at programa para sa drug prevention and control ay ang advocacy, education and training; drug testing program for officers and employees; treatment, rehabilitation and referral; at monitoring and evaluation.
Sa ilalim ng DOLE Drug-Free Workplace Policy Program, ang isang empleyado, na sa unang pagkakataon ay naging positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay kailangang ikonsulta para sa pagpapagamot at/o rehabilitasyon sa isang DOH accredited center.
Matapos ang rehabilitasyon, maaaring irekomenda sa employer ng assessment team ng kompanya ang pagbabalik ng empleyado sa kanyang trabaho kung siya ay hindi magdudulot ng panganib o pinsala sa kanyang kasamahan o sa lugar na kanyang pinagtatrabahuan.
Gayunpaman, ang paulit-ulit na paggamit ng ipinagbabawal na gamot, matapos ang sapat na oportunidad para magpagamot o sumailalim sa rehabilitasyon, ay mangangahulugan ng karampatang parusa sa ilalim ng R.A. 9165 at dahilan upang tanggalin siya sa trabaho.
Ang paglabag sa DO 53-03 ay maaaring patawan ng parusang kriminal sa ilalim ng Article II ng RA 9165 at ng Implementing Rules and Regulations, o administratibo sa ilalim ng Article 297 ng Labor Code.
Ang pagtupad ng establisimiyento sa DO 53-03 ay isa sa mga pamantayan na mahigpit na tinitingnan ng DOLE sa pagsasagawa ng labor laws compliance system assessment. PAUL ROLDAN
Comments are closed.