DRUG PEDDLER NA NANLABAN TUMBA, 2 PA NADAKIP

bulagta

BULACAN – ISANG drug peddler na kabilang sa drug watchlist ng Meycauayan City police ang napatay makaraang mas piliing manlaban kaysa mahuli ng buhay ng Drug Enforcement Unit (DEU)habang dalawa pa ang nasakote sa magkahiwalay na anti-illegal drug operation sa Meycauayan City at San Jose del Monte (SJDM) City kama­kalawa ng hapon at kahapon ng madaling araw.

Base sa report na isinumite kay P/Col. Emma M. Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), nakilala ang napatay na tulak na si Christopher Encabo ng LGP Barangay Malhacan, Meycauayan City na namatay sa pook ng insidente bunga ng tama ng bala sa kanyang katawan at matagal nang sinusubaybayan dahil sa pagtutulak ng droga sa lugar.

Alas-2:30 ng mada­ling araw nang magsagawa ng buy bust operation ang DEU-Meycauayan police sa overall supervision ni P/Lt.Col. Aquino Olivar, City police chief, sa Northernhills, Barangay Malhacan ng nasabing lungsod ngunit matapos ang transaksiyon ay nakatunog ang suspek na si Encabo sa presensya ng mga pulis kaya bumunot ito ng ba­ril at nanlaban kaya napatay sa palitan ng putok.

Nakarekober ang pulisya ng 10 pakete ng shabu, isang kalibre 38 revolver na kargado pa ng tatlong bala at buy bust money.

Samantala, nadakip naman sina Marie Emmanuel Aguas y Abes, 21, at Ronaldo Divero y Quintana, 51, at kapwa nakatira sa Block 1, Lot 43, Phase 2, Barangay San Rafael, City of San Jose del Monte sa isinagawang buy bust operation sa nasabing lugar dakong alas-4:00 ng hapon kamakalawa at hindi na nakapalag ang dalawa nang kumagat sa inilatag na buy bust ope­ration ng pulisya.

Narekober ng pulisya sa dalawang tulak ang 11 pakete ng shabu at buy-bust money at kapwa ito nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 at ang pagkakadakip sa dalawang suspek ay bunga ng pinaigting na Project Double Barrel Reloaded na nakatuon sa illegal drugs campaign ng pulisya. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.