CAVITE – KALABOSO ang isang personnel ng PNPA na sinasabing drug peddler makaraang makumpiskahan ng mga drug paraphernalia sa kanyang quarter sa PNP Academy sa Brgy. Tartaria, bayan ng Silang sa lalawigang ito noong Martes ng hapon.
Isinailalim na sa tactical interrogation ang suspect na si Diosdado Reyes Jr., mess personnel ng PNPA Mess Hall na kung saan pansamantalang naghihimas ng rehas na bakal sa police detention facility.
Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na isiniwalat ni Cadet 1st Class John Dave Macagba na ang suspect ay isang drug peddler sa kampo.
Kaya kaagad na nagsagawa ng inspection si Police Lt. Col. Crisostomo Ubac, hepe ng intelligence and investigation department ng PNPA katuwang ang ilang opisyal ng barangay sa quarter ng suspek.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang mga drug paraphernalia na naglalaman ng shabu residue sa loob ng quarter ng suspect kaya kaagad na binitbit ito sa himpilan ng pulisya upang imbestigahan.
Isinailalim na rin sa drug test ang suspect habang pina-chemical analysis naman ang mga drug paraphernalia sa Provincial Crimes Laboratory na siyang gagamitin sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165. MHAR BASCO
Comments are closed.