ISABELA – NADAKIP ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division ng Regional Drug Enforcement Unit Region-2 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang station one ng Santiago City Police Office na pinamumunuan ni Sr. Supt. Percival Rumbaoa, ang matagal nang minamanmanan na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sangkot sa ilegal na droga sa Santiago City.
Kinilala ni Chief Insp. Rolando Gatan, Santiago City Police Station 1 ang nadakip na si Rene Imperial, 31, tattoo artist at residente ng Mabini, Santiago City.
Sa impormasyon na ibinigay ni Supt. Rajah Romero, deputy commander ng Santiago City Police Office, isang drug buy bust operation ang inilatag ng kanilang mga tauhan at nasamsam sa pag-iingat ni Imperial ang humigit kumulang na 600 gramo ng pinatuyong marijuana at buy bust money.
Inihayag ni Chief Insp. Rolando Gatan, hepe ng Station 1 ng Santiago City Police Office, na inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban kay Imperial. IRENE GONZALES
Comments are closed.