DRUG TEST CHALLENGE

DRUG TESTING

SUPORTADO ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panawagang boluntaryong drug test sa mga kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan ng isang mambabatas bilang patunay na wala silang kaugnayan sa iligal na droga.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na pabor siya sa mungkahi ni Congressman Robert Ace S. Barbers, chairperson ng House Committee on Dangerous Drugs, na lu­magda ang mga kalahok na kandidato nang nalalapit ng barangay at SK sa isang covenant na magpapatunay ng kanilang kahandaan na mapasailalim sa drug test.

Nauna na rito, nagkaroon din ng kaparehong panawagan si PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa mga kandidato para sa nalalapit na eleksiyon.

“Suportado ng DILG ang panawagan ni Congressman Barbers at mga kasama niya sa komite na lumagda ang ba­ra­n­gay at SK candidates sa isang covenant bilang publikong kasulatan at patunay na ‘di sila sangkot sa iligal na droga,” saad ni Año.

Sa joint press conference ng DILG at PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) noong nakaraang linggo, inihayag ni Barbers na dapat nakapaloob sa kanyang minumungkahing co­venant ang mga sumusunod: pangakong hindi tatanggap ng pera, materyal na bagay o anumang pabor mula sa drug lord para sa kanilang election campaign activities; sakaling manalo, ang naihalal na opisyal ay dapat pangunahan ang pagsusulong ng drug-clearing sa kanilang lugar at ipapaskil ang nilagdaang covenant sa kanilang barangay hall.

Ayon pa sa mambabatas, dapat isagawa ang drug test sa accredited facility ng Department of Health at isumite ang resulta ng pagsusuri sa Commission on Elections para sa dokumentasyon at publikas­yon.

Sinabi ng DILG Chief na lahat ng boluntaryong sumailalim sa drug test at inilahad ang resulta nito sa publiko ay mapapatunayan sa mga botante na wala silang itinatago.

Sa nalalabing araw ng campaign period, iginiit din ni Año sa mga botante na kilalaning mabuti ang mga background at plataporma ng kanilang mga kandidato.    JOEL AMONGO

Comments are closed.