DRUG TEST SA GRADE 4 STUDENTS, WALANG NILALABAG SA BATAS

NANINIWALA  si House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na walang lalabagin na batas ang proposal ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino na isailalim sa mandatory at surprise drug testing ang mga Grade 4 students sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan sa bansa.

Paliwanag ni Barbers, bagamat walang nakasaad sa batas na magsagawa ng drug test sa mga mag-aaral na nasa Grade 4, nakapaloob naman sa batas ang ‘doctrine of parents patriae’.

Sa ilalim  ng ‘doctrine of parents patriae, responsibilidad ng estado na maging magulang sa mga kabataan na wala pa sa sapat na gulang o edad gayundin sa mga kulang sa pag-iisip, incompetent, mga matatanda at mga may kapansanan.

Ang planong pagpapa-drug test sa mga kabataan na nasa Grade 4 ay kasama sa responsibilidad at obligasyon ng estado na protektahan at pangalagaan ang mga kabataan kaya walang malalabag na batas at karapatan dito.

Pag-aaralan din ng kanyang komite ang mga basehan ng PDEA sa pagsasagawa ng drug test sa mga Grade 4 at kung dapat na amyendahan ang Section 36 ng Paragraph C ng RA 9165 para isama na sa batas ang mandatory drug test sa elementary students.   CONDE BATAC

Comments are closed.