DRUG TEST SA MGA DRAYBER

DRUG-TEST-DRIVER

IKINAKASA na ng mga ahensiya ng gobyerno ang pagpapatupad sa mandatory drug test sa lahat ng drayber ng public utility vehicles (PUV) sa buong bansa.

Ayon kay Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) board member Aileen Lizada, pinagdi­diskusyunan pa ng tanggapan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung sino ang sasagot sa gastos ng drug testing kits na gagamitin ng mga drayber.

Suportado ng dalawang tanggapan ang rekomendasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isalang ang mga drayber  ng jeepney, bus, tricycle at taxi sa drug test dahil buhay ang nakasalalay sa kanilang mga kamay.

Matatandaang kinuwestiyon ni Pangulong  Rodrigo Duterte ang pani­nisi ng ilang bus dri­vers sa mga nagaganap na aksidente, sa engine failure.

Hindi umano naniniwala si Duterte na iyon lamang ang dahilan, kaya mahalagang matukoy kung gumagamit ng ile­gal na droga ang lahat ng drayber  lalo na sa mga nagmamaneho ng mahabang biyahe.

Samantala, suportado naman ni Lawyers for Commuters’ Safety and Protection President Ariel Inton ang pagsalang sa drug test sa mga drayber.

Aniya, matagal nang iminumungkahi ng LCSP ang drug testing sa mga drayber  sanhi ng madalas na trahed­yang nagaganap lalo na sa mahahabang biyahe.

Umaasa si Inton na maipatutupad ang nasabing mandato sa lalong madaling panahon.  NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.