DRUG TEST SA STUDES‘ BANGUNGOT’

TINAWAG ni Education Secretary Leonor Briones,   na “bangungot” o “administrative nightmare” ang panukalang pagsasailalim sa drug test sa milyon-milyong estudyante.

Sinabi ni Briones na posib­leng  magkaroon ng implikas­yon sa karapatang pantao at makaapekto sa mga estudyante ang panukalang isailalim sa drug test  ang grade 4 pupils.

Nais ng DepEd  na protektahan ang pagkakakilanlan ng mga bata.

Hindi umano dapat itong maging basehan ng expulsion o ng grades ng estudyante.

Ayon pa sa kalihim, guma­gawa na ng mga hakbang ang kagawaran para pigilan ang paglaganap ng droga sa 14 mil­yong mag-aaral.

Kung madiskubreng  may ugnayan sa droga ang mga estudyante, iginiit ni Briones na hindi ito dapat ilagay sa kanyang record at sa halip ay tulu­ngan itong  gamutin at protektahan.

Isinisulong ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mandatory drug testing sa mga guro at mga estudyanteng nasa grade 4 pataas.

Giit naman ng DepEd, sa ilalim ng Dangerous Drugs Act ay mula estudyanteng nasa high school lamang pataas ang maaaring isailalim sa drug test.

Nauna nang inihayag ni PDEA Director General Aa­ron Aquino na pinag-aaralan pa lamang nila ang  pag-sasagawa ng drug test  kaya hindi dapat padalos-dalos ang mga nagkokomento rito.

Sa datos ng PDEA ay umaabot sa 182 menor de edad  na nasa edad na 10 hanggang 17  na nagbebenta ng bawal na gamot ang kanilang na-rescue simula nang pumasok ang administrasyong Duterte.

Comments are closed.