‘DRUNKEN COPS’ VIRAL, IIMBESTIGAHAN NG BACOOR PNP

CAVITE – USAP-USAPAN ngayon ang dalawang pulis na umano’y lasing na nakuhanan ng video  ng netizen sa Bacoor.

Ang mga pulis na lulan ng patrol car ay bumangga sa sasakyan ng netizen na siya namang kumuha ng video.

Nangako naman ang Bacoor PNP na kanilang iimbestigahan ang mga tauhan na sangkot sa alitan sa trapiko sa isang indibidwal.

Agad umani ang iba’t ibang reaksyon ang natu­rang video na mabilis na kumalat sa social media.

Sakay ng police vehicle ang nasabing pulis na may marka ng Bacoor PNP.

Sa video, makikita ang isang netizen na nagsasalita sa tauhan ng pulisya, na sinasabing nasa ilalim ng impluwensya ng alak, tungkol sa pagbangga ng kanyang sasakyan.

Makikita ang pulis na nakikipag-usap sa driver at sinusubukang magsalita ng maayos subalit dahil sa nakainom ito ng alak ay hirap itong makapagsalita ng diretso.

Ipinataas pa ang isang paa ng pulis upang makita na kung makakatayo ito ng diretso.

Pinaglakad pa ito sa isang white lane upang ma­kita kung masusundan nito ng yapak ang puting marka.

Sa pagtatapos ng bidyo, humingi ang netizen ng pagkaka­kilanlan mula sa tauhan ng pulisya, na nagbanta sa kanya na magpo-post siya ng video ng kanilang alitan kapag hindi niya maipakita ang kanyang ID.

Ilang saglit pa ay ipinakita ng mga tauhan ng pulisya ang kanyang PNP ID at itinuon ng ne­tizen ang kanyang ca­mera, malinaw na ipinakita ang pangalan at iba pang impormasyon tungkol sa nasabing mga tauhan, at saka natapos ang video.

Nagpasalamat ang Bacoor PNP sa netizen sa pag-post ng video at hinimok nito ang nag­rereklamo.

SID SAMANIEGO