DRY RUN SA OPENING NG BORA DINAGSA

BORA-2

UMARANGKADA  na kahapon ang unang araw ng  dry run para sa mu­ling pagbubukas ng Boracay Island.

Kasabay nito ang me­dical mission sa Barangay Manok Manok kung saan ginanap ang salubungan ng mga opisyal ng pamahalaan at mga Aklanon bago ang ceremonial opening.

Pinangunahan ni Environment and Natural Resources Sec­retary Roy  Cimatu ang countdown  sa pagdedeklara  na ‘fit for swimming’ ang  karagatan ng Boracay.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office Director Jonino Bonito Padilla, makikita sa dry run kung mayroon pang mga dapat baguhin sa mga nailatag ng bagong panuntunan bago ang soft opening sa Oktubre 26.

Nasa 152 establisimiyento na ang pinayagang makapagbukas matapos na makasunod sa mga itinakdang requirements ng inter agency task force.

Naging prayoridad sa dry run ang mga lokal sa Aklan  na nilaanan ng 1,000 kuwarto at  1,000 kuwarto pa ulit para ngayong araw.

Una nang inihayag ng Task Force Boracay na lilimitahan na lamang sa 6,000 kada araw ang bisita na maaring pumasok sa Boracay Island.

“Tinatawag namin ito sa communications campaign dito na Boracay reform, ibig sabihin kung anong nakikita noon na wala pang influx ng tao, wala pang mga residenteng masyado ay ganu’n ibinalik, binuhay muli ang Boracay, virgin island na babalik ito,” pahayag ni Padilla

Dumalo sa dry run  sina DILG   Sec. Eduardo Año, DOTr Sec.  Arthur Tugade, DOE  Sec.Alfonso Cusi, DPWH Sec. Mark Villar, DOT Usec Moncato, Gov. Miraflores at  Mayor Cawaling.

Nauna nang ipinasara ng Pangulong Duterte  ang Boracay Island matapos niyang tawaging cess pool ang karagatan doon.

Comments are closed.