DTI MAS PINAIGTING ANG KAMPANYA SA PAGPAPALAKAS NG SEKTOR NG MSMEs

DTI Secretary Ramon Lopez

PINAGUGULONG ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga programang naglalayongDTI LOGO magbigay-daan para sa positibong gawi at tamang pananaw sa pagnenegos­yo sa pamamagitan ng Mentoring Program na kabilang sa komprehensibong istratehiya ng ahensiya sa pagpapalakas ng sektor ng Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).

Ang mentoring ay isang pamamaraan ng pagbibigay ng mga payo o dapat gawin upang ma­ging matagumpay ang isang negosyo. Layunin din ng mentoring ang paalaman ang mga negosyanteng may pag-aalinlangan, at tulungang mapagtagumpayan ang kanilang pangamba sa pamamagitan ng pagtutulungan sa pag-abot sa iba’t ibang rekurso, mala­yang palitan ng ideya at mga makabagong paraan ng pagpapatakbo ng negosyo.

Mayroong mga coach o mentor na nagbabahagi ng kanilang naranasan kung papaano nila pinatatakbo ang kanilang negosyo at kung paano naging kilala ang mga produkto nito. Karamihan ng mga mentor o coach ay galing sa mga malalaking kompanya at mga sole entrepreneur na naging tanyag sa kanilang produkto. Mainam ito sa mga taong nagbabalak at nagsisimula pa lamang sa kanilang negosyo.

Hakbang ng DTI sa Mentoring Program

Kasabay ng mausisa at matalinong pagsasagawa ng mga mentoring session sa 864 Negosyo Centers sa bansa, kung saan tampok ang mga paraan sa pagsisimula, pagpapalago, at kalauna’y pagpapalawig ng negosyo, nakikipagtulu­ngan din ang DTI sa pribadong sektor sa pamamagitan ng programang Kapatid Mentor ME.

Ang programang ito ay nakatutok sa pagtulong sa MSMEs sa tatlong pa­raan: Adopt-an-SSF (Shared Service Facility) pro-gram, kung saan nabibigyan ang MSMEs ng SSF sa kanilang komunidad; ang Inclusive Business (IB) model na magbibigay daan sa MSMEs na mapasali sa value chains ng malalaking kompanya; at ang Mentor ME (micro entrepreneurs) na bibigyan ng coaching at mentoring mula sa mga malalaking korporasyon kung paano magpatakbo ng negosyo.

Nakikipag-ugnayan din ang DTI sa mga orga­nisasyon upang mas maabot ang maraming kababayan na nagnanais magnegos­yo, gaya ng isinagawang Mentor Me on Wheels, na isang mentoring session na nagnanais matulungan at gabayan sa pagnenegosyo ang mga Filipinong nasa kanayunan. Ito ay inilunsad ng Philippine Center for Entrepreneurship (Go Negosyo).

Nagsilbing mentor si DTI Secretary Ramon Lopez sa dalawang isinagawang Mentor Me on Wheels sa Pasay noong ika-11 ng Mayo at sa Calamba, Laguna noong ika-2 ng Hun­yo 2018.

Tampok sa programa ang one-on-one mentoring session kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang MSMEs na makausap ang mga eksperto at ang mga matatagal na sa industriya sa pagnenegosyo.

Mapalad ang mga mentees na sina Abby Ramos at Genalynn Socorro dahil si Sec. Lopez mismo ang kanilang naging mentor.

Isang negosyante si Abby Ramos mula Batangas na ang ibinebenta ay gadgets. Pinuri ni Sec. Lopez si Abby sa pagtatayo ng isang negosyong natatangi sa kanilang lugar at nagbigay-payo sa pagpapatakbo ng kanyang tindahan. Kanya ring pinaalalahanan ang negosyante na maghanda sa kompetisyon sapagkat madaling pasukin ang pagbebenta ng gadgets. Napag-alaman din ng kalihim ang hilig ni Abby sa publishing at printing kung kaya’t pinayuhan niya ito na mag-branch out ng negosyong naaangkop dito.

Si Genalynn Socorro naman na isang buko pie at boat tart maker ay nais na makilala ang kanyang negosyo sa pangunahing merkado. Ang DTI ang gumabay sa negosyo ni Genalynn na Gen’s Sweet Tarts sa packaging at design development nito. Nagsimula siya sa paggamit ng plain boxes hanggang sa naging branded na ito. Nagbigay naman ng iba’t ibang paraan si Sec. Lopez upang maging patok ang kanyang produkto sa publiko. Dagdag pa ng kalihim, dapat pagtuunan din ni Genalynn ang paggawa pa ng iba’t ibang flavors ng kanyang pie at tart at pag-alok ng sampling.

“Mahalaga ang ganitong mga inisyatibo upang lalong mapaigting ang ating kampanya sa pagpapalakas ng sektor ng MSMEs. Mahalagang tumagos ang mensahe sa mga mamamayan na maraming paraan upang guminhawa ang buhay,” ani ni Secretary Lopez.

Comments are closed.