MULING pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang commercial establishments sa Negros Occidental, kasama ang Bacolod City, na sundin ang suggested retail prices (SRPs) na naka-set sa school supplies.
Nag-isyu ang DTI ng paalala ilang araw bago magbukas ang klase sa public schools sa Hunyo 3 habang ang mga magulang at kanilang mga anak ay kuyog sa mga tindahan para mamili ng mga gamit sa eskuwelahan.
Sinabi ni Romel Amihan, senior trade and industry development specialist ng DTI-Negros Occidental, na sa pagpasok ng Miyerkoles, mino-monitor nila ang maraming establisimiyento kasama ang malls, department stores, at public market stalls, na nakatanggap ng kopya ng SRPs.
Tsinitsek ng monitoring team ang price compliance para sa mga produkto na kasama sa “Gabay sa Pamimili ng School Supplies” na inisyu ng DTI Central Office noong Mayo 25, dagdag niya.
Ang SRPs para sa 80 leaves ng composition and writing notebooks ay nasa PHP14.50 hanggang PHP37.75 habang ang spiral notebooks ay nagkakahalaga ng PHP14.30 hanggang PHP27.75. Ang promo pack ay nagkakahalaga ng PHP129.75 hanggang PHP445, depende sa brand.
Ang pad papers ng iba’t ibang brand ay nagkakahalaga ng PHP8 hanggang PHP49.75 habang ang writing at intermediate pads naman ay nagkakahalaga ng PHP16.50 hanggang P44.75, lahat ng para sa 80 leaves.
Para sa lapis, ang presyo ay nasa PHP7.50 hanggang PHP39.75 depende sa kung ilang piraso kada pakete. Ang ballpen ay mabibili sa PHP6 hanggang PHP32.75 kada pakete ng isa hanggang tatlong piraso.
Ang ibang items tulad ng krayola ay nagkakahalaga ng PHP12 hanggang PHP69.75 bawat kahon; eraser, PHP7.50 hanggang PHP14.75 bawat piraso at PHP20 bawat pakete, pangtasa, PHP10 hanggang PHP39.75 bawat piraso at ruler, PHP11.75 hanggang PHP36.75 bawat piraso.
Sa ipinakita sa bagong listahan, ang kasalukuyang SRPs para sa halos lahat ng school items ay tumaas ngayong taon.
Halimbawa, ang 2018 presyo ng 80 leaves ng composition at writing notebooks ay nagkakahalaga lamang ng PHP12.20 hanggang PHP34 habang ang spiral notebooks noon ay nasa PHP12.20 hanggang PHP34.75.
Sinabi ni Amihan na base sa DTI guidelines, ang mga pasaway na establisimiyento ay bibigyan ng show cause order para magkaroon sila ng parehas na oportunidad na makapagpaliwanag.
“Those found violating the SRPs will be formally charged with profiteering, which is provided under the Price Act,” dagdag niya. PNA
Comments are closed.