LUMABAS na ang pinakahuling survey mula sa Pulse Asia hinggil sa Trust at Performance Rating ng mga opisyal ng ating gobyerno. Isinagawa ang nasabing survey noong Setyembre 14-20 ng kasalukuyang taon.
Lumalabas na parehas na 91% ang trust at performance rating na nakuha ni Pangulong Duterte. Samantalang 50% ang trust rating (TR) at 57% ang performance rating (PR) ni Bise Presidente Leni Robredo. 79% TR at 84% PR naman ang nakuha ni Senate President Tito Sotto. 39% TR at 44% PR ang nakuha ni SC Chief Justice Diosdado Peralta. Subalit hindi tulad sa mga naunang opisyal na 100% ang awareness o pagkakakilala, si Chief Justice Peralta ay 68% lamang ang awareness level sa ating lipunan.
Sa House of Representatives, kung saan mainit ngayon ang isyu sa labanan ng posisyon ng speakership sa pagitan nina Rep. Alan Cayetano at Rep. Lord Velasco, nakakuha ng 67% TR at 70% PR si Speaker Cayetano.
Sa ngayon, matindi ang giyera nila sa media. Parehas na kampo ang nagpapalabas ng kani-kanilang balita tungkol sa lumalakas na suporta mula sa mga miyembro ng Kamara. Bukod pa rito ay nagpapalitan sina Cayetano at Velasco ng maaanghang na mga pahayag laban sa isa’t isa. Sumasali na rin ang mga kaalyado ng magkabilang kampo na nagpapaliwanag kung bakit ang kani-kanilang mga manok ay dapat maupo sa pinakamataas na puwesto sa House of Representatives.
Ngunit ngayon na lumabas na napakataas pa rin ng trust at performance rating ni Pangulong Duterte, magbabago ba ang ihip ng hangin sa labanan ng speakership?
Matatandaan na si Duterte mismo ang nagsilbing tagapag-ayos ng sinasabing ‘term sharing’ sa pagitan nina Cayetano at Velasco. Napagkasunduan na mauuna si Cayetano bilang Speaker ng Kongreso sa loob ng 15 buwan at magtatapos nitong buwan ng Oktubre. Si Velasco naman dapat sana ang papalit sa kanya hanggang matapos ang termino nila sa 2022 o sa sususnod na 21 months. Tila hindi mangyayari ito.
Kaya naman, pinatawag muli ni Duterte ang dalawa noong nakaraang linggo upang plantsahin ang kanilang sigalot. Inulit ni Pangulong Duterte na bilang pinuno ng kanilang coalition ay sundin ang usapan. Ika nga, ‘palabra de honor’.
Subalit ang mayorya ng Kamara de Representante ay tinanggihan ang alok ni Cayetano na mag-resign bilang Speaker. Nasa mahigit 180 na miyembro ng Kamara ang bumoto sa pagpapanatili kay Cayetano bilang Speaker. Umiwas ang Palasyo sa pangyayaring ito. Ayaw na nilang makialam matapos ang pakikipagpulong ni Duterte kina Cayetano at Velasco.
Sa paglabas ng bagong mataas na survey ni Duterte, tila nagkaroon ng bagong pag-asa si Velasco. Maaaring magdalawang-isip ang mayorya ng Kamara sa pagsuporta kay Velasco. May asim pa pala si Tatay Digong!
Sa totoo lang, kaya naman nagkaroon ng mabigat na valor sa politika si Velasco ay dahil sa malapit na pagkakaibigan nila ng pamilya Duterte. Doon nagkaroon ng umano’y mabigat na impluwensiya si Velasco sa Malacanang.
Sa kabilang dako naman, si Cayetano ay nakuha ang mabigat na impluwensiya dahil sa pagtakbo bilang bise presidente ni Duterte noong 2016. Marami ang nagtangkang sirain ang relasyon ni Cayetano kay Duterte noong mga panahon na iyon. Subalit bilang isang beteranong politiko, nanaig siya.
Comments are closed.