(Dubai bizmen nililigawan ng PEZA) MAMUHUNAN SA PINAS

HINIMOK ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang mga negosyante sa Dubai na ilagak ang kanilang susunod na investments sa Pilipinas.

Sa kanyang social media post noong Lunes ng gabi ay sinabi ni PEZA deputy director general Tereso Panga na nakipagpulong si PEZA director general Charito Plaza sa mga negosyante mula sa sektor ng Islamic banking, transport, logistics, at energy sa Dubai noong nakaraang linggo upang ibida ang investment opportunities sa Pilipinas.

Ayon kay Panga, plano ng multinational logistics firm, DP World, na mag-develop ng 50 hanggang 100-hectare economic zone na may integrated seaport para sa kanilang pinakabagong  logistics facilities and solutions.

Aniya, inimbitahan ni Plaza ang DP World na dalhin ang kanilang DP World Cargospeed, na isang venture sa pakikipagpartner sa Virgin Hyperloop, na nagkakaloob ng hyperloop-enabled transport system para sa mga pasahero at kargamento.

“The Hyperloop is fully powered by solar and can move people and cargoes at the speed of flight and closer to the cost of trucking,” aniya.

Sinabi ni Panga na maaaring pabilisin ng Hyperloop ang biyahe mula Manila hanggang Mindanao sa isang oras.

“As for Emirates, they will explore airport development/facility management and increase the number of weekly flights (of) Manila-Dubai for the benefit particularly of the OFWs (overseas Filipino workers) in the Middle East,” aniya.

Nakipagpulong din si Plaza sa Islamic Dubai Bank at AlHuda-Center of Islamic Banking and Economics (CIBE) upang isulong ang Islamic banking and finance sa Pilipinas. PNA