(Dulot ng pagbaha at landslide) 1,800 KATAO NAWALAN NG TIRAHAN

DAVAO REGION- UMAABOT sa 1,800 katao o 446 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa masamang panahon na dala ng shear line na nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa rehiyong ito.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, ang mga lumikas na pamilya sa Davao de Oro (1,332) at Davao Oriental (468) ay nananatili sa pitong evacuation center.

Labing-isang pagbaha at tatlong insidente ng landslide ang naiulat sa Davao de Oro at Davao del Norte dahil sa masamang panahon, ayon sa NDRRMC.

Nabatid na nitong Enero 16, bandang ala-1:50 ng madaling araw, naganap ang pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang Barangay sa Mawab, Nabunturan at Maragusan, Davao de Oro at bandang alas-4 ng umaga ay naganap naman ang insidente ng pagbaha sa mga munisipalidad ng New Corella, Kapalong at Panabo City, Davao del Norte dahil sa shear line.

Habang patuloy na tumataas ang tubig baha, patuloy pa rin ang paglikas at rescue operation para sa mga apektadong pamilya sa ilang barangay sa Tagum City at bayan ng New Corella sa Davao del Norte.

Sa Davao de Oro, umabot sa bubong ng ilang bahay ang baha dulot ng malakas na pag-ulan.

Sa bayan ng Compostela, dalawang sanggol, isang menor de edad, at dalawang nakaratay sa kama ang kasama sa mga nailigtas.

Naapektuhan ng shear line ang 2,212 indibidwal o 552 pamilya sa 14 na barangay sa Davao de Oro, Davao Occidental, at Davao Oriental, ayon sa NDRRMC.

Hindi bababa sa limang kalsada at isang tulay ang hindi maaaring madaanan. EVELYN GARCIA