ISABELA- DAHIL sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng bagyong Quinta, napilitan na magpalabas ng tubig ang National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa Magat Dam sa Ramon ng lalawigang ito upang maiwasan ang pag-apaw nito.
Nabatid, hanggang kahapon ng alas-10 ng umaga ang water elevation ng Magat Dam ay nasa 189.77 meters at ang inflow ay 836 cubic meters per second (cms) habang ang outflow ay 749 cms at nakabukas ang isang spillway gate na may taas na dalawang metro.
Kaya’t panawagan ng pamunuan ng NIA-Isabela na mag-ingat ang mga mamamayan at iwasang mamalagi sa tabi ng mga ilog o kaya ay tumawid dahil sa mataas na antas ng tubig.
Gayundin, hindi pa madadaanan ang anim na overflow bridges sa Isabela dahil sa pagtaas ng water level sa mga ilog.
Ang mga nasabing overflow bridge na kinabibilangan ng Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City; Turod Banquero bridge sa Reina Mercedes, Isabela; Cabagan-Sta. Maria overflow bridge, Cansan, Cabagan-Bagutari; Sto Tomas overflow bridge; Baculud overflow bridge sa Lunsod ng Ilagan at Gucab over-flow bridge sa Echague, Isabela.
Nakararanas na rin ng pagbaha ang ilang mababang lugar sa lungsod ng Ilagan partikular sa Aggasian at binabantayan ang mahigit 40 na barangay na maaaring maapektuhan ng pagbaha. IRENE GONZALES
Comments are closed.