TIWALA si three-time Olympian Adeline Dumapong na makapag-uuwi siya ng medalya sa Para Asian Games na gaganapin sa Indonesia kasunod ng Asian Games na lalarga sa Agosto sa Palembang at Jakarta.
“Malaki ang tsansa ko na manalo dahil kondisyon ako at sapat ang aking training,“ sabi ni Dumapong sa eksklusibong panayam hinggil sa kanyang tsansa sa Para Games.
Ayon sa kanya, hindi siya nagpabaya at puspusan ang kanyang paghahanda dahil mabigat ang kanyang pagdaraanan at gusto niyang manalo at makapagbigay ulit ng karangalan sa bansa tulad ng ginawa niya sa mga nagdaang torneo, ang huli ay sa SEA Para Games kung saan nanalo siya ng ginto.
Naniniwala si Dumapong na ang mga pambato ng China at Korea ang mahigpit niyang makakalaban.
“Silang dalawa ang mahigpit kong kalaban. Wala nang iba,“ wika ni Dumapong.
Nang tanungin sa kanyang tsansa laban sa Japanese, sinabi ni Dumapong na hindi gaanong malakas ang Japanese at ang binabantayan niya ay ang Chinese at Korean.
“Hindi malakas ang Japanse ‘di tulad ng Chinese at Korean,” aniya.
Si Dumapong ay beterano ng tatlong Paralymics at nanalo ng tanso sa Sydney noong 2000 at consistent gold medalist sa ASEAN at SEA Para Games. Muli siyang nanalo sa 2017 ASEAN Para Games sa Malaysia.
Lalaban si Dumapong sa plus 86 kilos, ang timbang na dinomina niya sa Malaysia. Ang kanyang personal best ay 188 kilos na naitala niya sa Doha, Qatar Asian Para Games.
Unang sumabak si Dumapong sa Paralympics noong 1979 sa Athens, Greece. Lumaban din siya noong 2000 sa Sydney at 2004 at 2008 sa Beijing. CLYDE MARIANO
Comments are closed.