QUEZON – HINULI ng PMRB at Quezon PNP ang isang dump truck na pagmamay-ari umano ng Sariaya LGU dahil sa laman nitong 18 kubiko ng mga bato para umano sa ginagawang bagong munisipyo ng Sariaya.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, dadalhin ang 18 kubiko ng bato sa proyekto ng lokal na pamahalaan, ayon mismo sa pahayag ng driver at pahinante subalit wala namang naipakitang kaukulang permit ng sitahin ng PMRB at ng PNP.
Ayon kay Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte, tahasang paglabag ito sa ordinansa ng probinsya na nagbabawal na sa lahat quarry operations sa munisipalidad ng Sariaya.
Naging mainit ang usaping ito matapos manawagan ang mga mamamayan ng Sariaya dahil sa ramdam at nakikitang pinsala ng quarrying sa kanilang lugar at sa paanan ng bundok ng Mt. Banahaw.
Agad na tumugon si Quezon Gob. Helen Tan sa panawagan ng mamamayan at inatasan ang mga kaugnay na ahensya ng probinsya para sa agarang implementasyon ng ordinansa.
Matatandaang pinatawan ng suspensyon at pagbabawal na mag-quarry sa bayan ng Sariaya sa pamamagitan ng pagpalabas ni Tan ng Executive Order No. 20 series of 2024 “An Order Declaring a Moratorium on Quarry Operation in Municipality of Sariaya” noong nakalipas na Abril 29, 2024.
Sa report ng Sariaya PNP nakilala ang pahinante at driver ng dump truck na sina San Pedro Vito, driver at Rodelito Ferrer, pahinante na kapwa taga-Brgy. Sto Cristo, Sariaya Quezon.
Samantala, sa pamamagitan ng social media FB live ni Sariaya Mayor Marceng Gayeta ay mariing pinabulaanan nito na pag-aari ng LGU ang nahuling dump truck at gagamitin ito sa proyekto ng Sariaya LGU.
BONG RIVERA