DUMUKOT SA BIR EXAMINERS PATAY SA SHOOTOUT

shootout

CAVITE – DALAWANG miyembro ng Gapos Gang kabilang ang dating pulis-Crame na sinasabing sangkot sa kidnap-for-ransom ng ilang Bureau of Internal Revenue (BIR)  officers ang napatay makaraang makipagbarilan sa awtoridad sa bahagi ng Abaya Road sa Barangay Toclong sa bayan ng Kawit, Cavite kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ni Cavite Provincial Director P/Col. William Segun, kinilala ang isa sa napatay na si dating PO2 Arlan Ranera Aguilar na nakatalaga sa Camp Crame sa Quzeon City habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng kanyang kasabwat na napatay rin sa encounter.

Nabatid na si Aguilar ay may nakabinbing warrant of arrest sa kasong robbery with homicide na inisyu ni Judge Matias M. Garcia ng Bacoor City Regional Trail Court Branch 19.

Sinasabing sangkot din ang dalawa sa pangingidnap ng BIR regional director officers at pangunahing suspek sa pagpatay sa biktimang si Atty. Eduardo Torres Malinis, Commissioner of National Insurance Commission noong 2014 sa Bacoor City, Cavite.

Ayon sa pulisya, bandang alas-2 ng madaling araw nang isagawa ang police operation ng Anti-Kidnapping Group katuwang ang Regional Intel 4A, Cavite Provincial Intel Branch at ng Kawit MPS laban sa dalawang suspek na lulan ng motorsiklo.

Imbes na sumuko ay nakipagbarilan sa awtoridad ang riding-in tandem assassins kaya napatay sa nasabing bayan kung saan narekober sa encounter site ang dalawang cal. 45 pistol na kargado ng mga bala, 4 plastic sachets ng shabu at isang Honda Bravo na motorsiklo.

Kasalukuyang minomonitor ng awtoridad ang iba pang miyembro ng Gapos Gang na nagtatago sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ng Cavite. MHAR BASCO

Comments are closed.