KUMANA si Kevin Durant ng season-high 42 points at nagdagdag si James Harden ng 32-point triple-double sa kanyang debut para sa Brooklyn Nets, na naiposte ang a 122-115 panalo laban sa Orlando Magic noong Sabado ng gabi sa New York.
Bumuslo si Durant ng 16-of-26 at nagtala ng franchise record sa pag-iskor ng hindi bababa sa 25 points sa ika-9 na sunod na laro. Nahigitan niya ang 30 points sa ika-5 pagkakataon ngayong season habang nalambat ng Nets ang ikatlong sunod na panalo.
Bumuslo si Harden ng 8 of 18 mula sa field at kumalawit ng 12 rebounds. Nagdagdag siya ng apat na steals at naipasok ang 13 sa 15 free throws sa loob ng 40 minuto. Binura ng kanyang 14 assists ang franchise record na naitala ni Kevin Porter noong 1977 para sa assists sa kanyang debut sa koponan, ayon sa Elias Sports Bureau.
Si Harden ay naging ika-7 player din sa kasaysayan ng NBA na nagtala ng triple-double sa kanyang debut sa bagong koponan.
Nagdagdag si Joe Harris ng 17 points para sa Nets, na bumuslo ng 53.8 percent at nagsalpak ng 16 3-pointers sa kanilang ika-6 na sunod na laro na wala si Kyrie Irving (personal reasons, health and safety protocols).
Umiskor si Nikola Vucevic ng season-high 34 points para sa Orlando, nalasap ang ika-5 sunod na kabiguan.
GRIZZLIES 106, 76ERS 104
Bumalik si Ja Morant mula sa eight-game absence dahil sa sprained left ankle at gumawa ng 17 points upang tulungan ang host Memphis Grizzlies na dispatsahin ang Philadelphia 76ers.
Nag-ambag si Xavier Tillman ng 15, kumabig si Brandon Clarke ng 11 points at 11 rebounds habang nagposte sina Kyle Anderson at Dillon Brooks ng tig-11 points.
Nanguna si Shake Milton para sa Sixers na may 28 points, nagdagdag si Tobias Harris ng 21 at nakakolekta si Ben Simmons ng 11 points, 16 rebounds at 9 assists. Nagmintis si Tyrese Maxey, tumipa ng 12 points, sa potential game-winning 3-pointer sa buzzer.
PISTONS 120, HEAT 100
Nagsanib-puwersa sina Jerami Grant, Blake Griffin, Mason Plumlee at Derrick Rose sa dalawang third-quarter bursts na naging sandigan ng Detroit Pistons para malusutan ang host Miami Heat.
Ang dalawang koponan ay muling maghaharap sa rematch, sa Miami ulit, sa Lunes.
Ibinalik ng Heat ang apat na key players mula sa COVID protocol — Bam Adebayo, KZ Okpala, Goran Dragic at Kendrick Nunn – at nag-tuwang sila para sa 63 points.
Subalit hindi ito sapat upang igupo ang four-man attack ng Detroit.
RAPTORS 116, HORNETS 113
Nagpakawala si Norman Powell ng anim na 3-pointers tungo sa team-high 24 points at naitala ng Toronto Raptors ang kanilang ikalawang panalo laban sa Charlotte Hornets sa parehong dami ng laro.
Si Powell ay isa sa apat na Raptors na kumana ng tatlo o higit pang 3-pointers, kasama sina OG Anunoby, Kyle Lowry at Fred VanVleet.
SPURS 103, ROCKETS 91
Kumamada si DeMar DeRozan ng 24 points nang gapiin ng San Antonio Spurs ang kulang sa taong Houston Rockets sa ikalawang laro sa pagitan ng dalawang koponan sa loob ng tatlong araw.
Nagdagdag sina Jakob Poeltl at Dejounte Murray ng double-doubles para sa Spurs.
Comments are closed.