(Durant lilipat na sa Nets) BYE-BYE, WARRIORS!

Durant

LOS ANGELES – Inanunsiyo noong Linggo ni two-time NBA Finals Most Valuable Player Kevin Durant na iiwan na niya ang Golden State Warriors, ang kanyang koponan magmula noong 2016, para sa Brooklyn Nets.

Ginawa ng 30-anyos na star forward ang kanyang anunsiyo sa social media ilang sandali makaraan ang pagsisimula ng free agency period ng NBA, kung saan sinabi niyang lalagda siya sa maximum-level deal sa Nets.

Humihirit si Durant ng maximum deal sa kabila ng katotohanan na nagtamo siya ng ruptured Achilles tendon sa Game 5 ng NBA Finals laban sa Toronto Raptors at inaasahang hindi makapaglalaro sa kabuuan ng 2019-20 season.

“Kevin Durant has confirmed he will sign a max deal with the Brooklyn Nets,” nakasaad sa post sa Instagram at Twitter accounts ng The Boardroom, ang kanyang company-owned sports-business network.

Ang maximum deal para kay Durant ay magkakahalaga ng $164 million sa loob ng apat na taon. Maaari siyang alukin ng Warriors ng $221 million sa loob ng limang taon para hindi umalis sa koponan.

Sa ilalim ng NBA free agency rules, hindi maaaring papirmahin ng kontrata ng mga koponan ang mga player hanggang Sabado, kaya wala pang deals na makukumpirma hanggang sa araw na iyon.

Sa ulat ng Multiple US media outlets, sasamahan ni Boston Celtics playmaker Kyrie Irving si Durant sa Brooklyn sa four-year deal na nagka-kahalaga ng $141 million.

Magbibigay ito sa Nets ng mabigat na duo sa sandaling bumalik si Durant mula sa isang taong rehabilitasyon, ipag­palagay na naibalik ni Durant ang porma na nakatulong para pangunahan niya ang Warriors sa 2017 at 2018 NBA crowns.

Taong 2016 sa pagsisimula ng free agency period nang lumapit ang Warriors, na tinalo ng Cleveland sa NBA Finals, kay Durant at alukin na samahan sila sa koponan makaraang magpasiya ang star na lisanin ang Oklahoma City.

Si Durant ay hindi nakapaglaro sa siyam na games bago bago bumalik sa Game 5 ng NBA Finals laban sa Toronto. Umiskor siya ng 11 points sa loob ng 12 minuto bago nagtamo ng ruptured tendon na kinailangang operahan pagkalipas ng dalawang araw.

Comments are closed.