DURIAN, IBA PANG PINOY PRODUCTS PATOK SA CHINA

PATOK ang Puyat durian, itinuturing na pinakamasarap na durian sa Pilipinas, sa 7th China International Import Expo (CIIE), na idinaos noong Nobyembre 5 hanggang 10 sa National Exhibition and Convention Center (NECC) sa Shanghai, China.

Sa isang eksklusibong panayam sa China Media Group–Filipino Service (CMG-FS) noong Nob. 14, sinabi ni Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz na mainit na tinanggap ng mga Chinese consumer ang Philippine durian.

Binanggit niya ang mahabang pila ng Chinese people na nais matikman ang masarap at matamis na Puyat durian ng bansa sa naturang expo.

Patok din ang pinya at saging ng Pilipinas sa Chinese market dahil sa magandang kalidad at masarap na lasa ng mga ito.

Sa CIIE ay lumagda ang Philippine Embassy sa China at ang Goodfarmer, isa sa leading fruit companies ng China, sa isang kasunduan para sa pagbili ng mga pinya at saging mula sa Pilipinas noong Nob. 6.

Lumahok sa CIIE ang Philippine delegation na kinabibilangan ng Filipino officials mula sa iba’t ibang departamento at mga negosyante mula sa 16 food companies, na ibinida ang mga produkto ng bansa, lalo na ang agricultural products, tulad ng saging, pinya, kape, at iba pa.

Ibinahagi ni FlorCruz na ang CIIE ay isang napakahalagang platform upang ibida ang Filipino products sa Chinese consumers.

“Itong expo ay parang matchmaking o speed dating na nakikita namin, kumbaga, pumunta ka sa isang hardin ng isang park. Tapos, dito nagkikita-kita iyong mga potential lovers, mga potential partners ng aming mga small and medium size enterprises. Gusto namin silang tulungan na ipagmalaki sa China ang aming mga produkto,” aniya.

Dagdag pa niya, ito ang ika-7 sunod na taon ng paglahok ng bansa at ang annual sales ng Philippine delegation ay matatag na lumalaki.

Noong 2018, sa unang CIIE, ang mga exhibitor ay nakabenta ng USD37.5 million; at noong 2023, lumobo ito sa USD1.1 billion.

Binigyang-diin ni FlorCruz na sa pamamagitan ng CIIE, ang relasyon ng Pilipinas at ng China ay tumitibay, at ang mutual understanding at trust sa pagitan ng dalawang bansa ay bumubuti.

Naniniwala siya na ang kahalagahan ng CIIE ay hindi lamang sa export earnings, kundi pati sa hindi mabilang na mga benepisyo ng pagpapalawak ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.
ULAT MULA SA PNA