DUTERTE DAPAT NANG MAKIALAM KAPAG NAGMAHAL PA ANG BILIHIN -FPI

FPI Chairman Jesus Aranza

DAPAT nang mamagitan si Pangulong Rodrigo Duterte kapag sumipa pa ang presyo ng mga pangunahing bilihin habang papalapit ang Pasko, ayon sa Federation of Philippine Industries (FPI).

Naniniwala si FPI Chairman Jesus Aranza na mas makikinig ang mga negosyante kung ang Pangulo ang makikiusap sa kanila na huwag nang magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto.

Ayon kay Aranza, wala nang dahilan ang mga negosyante na magtaas ng presyo dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo at sa paglakas ng piso.

“It’s a matter of appealing to them. Ako, I can appeal but I have no power like the president and no power like a secretary nor a lawmaker so it’s only the executive [branch] that can do it,” pahayag ni Aranza sa isang press conference.

Iginiit pa ni Aranza na tumatatag na ang sitwasyon ng industriya sa bansa kaya hindi na dapat magkaroon ng paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin kahit pa papalapit na ang Kapaskuhan.

Nauna rito ay sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na tiniyak na sa kanila ng mga manufacter na hindi na tataas ang presyo ng Noche Buena products.

Nangako na rin ang mga manufacturer ng mga de-latang karne na mananatili ang presyo ng kanilang mga produkto hanggang Disyembre. Subalit, may nakaambang pagtaas sa presyo ng sardinas sa susunod na buwan.