DUTERTE MANONOOD NG PACQUIAO-MATTHYSSE FIGHT SA MALAYSIA

PRESIDENT DUTERTE

KINUMPIRMA kahapon ng Malacañang na panonoorin ni ­Pangulong Rodrigo ­Duterte ang nala­lapit na laban ni Senador Manny ­Pacquiao sa Malaysia.

Nakatakdang hamunin ni Pacquiao si World Bo­xing Association welterweight title holder Lucas Matthysse sa Linggo, ­Hulyo 15, sa Kuala Lumpur.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magkakaroon si Duterte ng ‘private trip’ sa Malaysia upang saksihan ang laban nina Pacquiao at Matthysse. Subalit nakatakda rin aniyang maki­pagpulong ang Pangulo kay Malaysian Prime Minister Mahatir Bin Mohamad upang talakayin ang kanilang mga plano sa paglaban sa insureksiyon at terorismo.

“Ang unang plano ng Pangulo ay talagang it’s going to be a private trip to watch Manny Pacquiao’s fight pero noong nagkausap nga po sila ni Prime Minister Mahathir ay nag-date na sila, kumbaga. Dahil (July) 15 ang laban, (July) 16 ang magiging pag-uusap ni Presidente at ni Prime Minister Mahathir,” wika ni Roque.

Idinagdag ni Roque na sinabihan ng Pangulo ang mga miyembro ng Gabinete na maaari silang sumama sa kanya sa panonood ng laban ni Pacquiao basta sila ang gagastos.

Tangan ni Matthysse ang professional record na 39 panalo, 36 ay sa pamamagitan ng knockout, at apat na talo, habang si Pacquiao ay may rekord na 59 panalo, kabilang ang 38 knockouts, pitong talo at dalawang draws.