PATULOY ang pamamayagpag ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., matapos muling manguna ito sa isinagawang face-to-face election survey ng tanyag na istasyon ng radyo na DZRH ng Manila Broadcasting Company (MBC).
Mula sa kabuuang 7,614 respondents, si Marcos Jr. ay nakakuha ng 49.2%; malayong pangalawa si Leni Robredo na may 16.2%; pangatlo si Manila Mayor Isko Moreno sa 10.4%; pang-apat si Sen. Manny Pacquiao na may 8.2%; pang-lima si Sen. Bong Go, 5.8%; pang-anim si Sen. Ping Lacson na may 4.9%; pang-walo si Ret. Gen. Antonio Parlade na may 0.5% at si Leody de Guzman na may 0.3%.
May 4.5% naman ang undecided, ayon sa report ng DZRH.
Sinabi ni Nerisa Nunag, MBC research director, isinagawa ang face to face survey sa 17 rehiyon sa buong bansa noong Disyembre 11-12.
Ang pre-election survey na isinagawa ng mga ‘field workers’ ng DZRH ay tinawag nilang Desisyon 2022.
Naniniwala si Nunag na buhay pa rin ang sinasabing Solid North dahil kapansin-pansin ang malaking lamang ni Marcos Jr. laban sa mga katunggali niya sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos region.
Nakatulong din ng malaki ang pagsabak ni Davao City Mayor Sara Duterte bilang running-mate ni Marcos Jr. dahil nanguna din ang dating senador sa Davao region at Cagayan Valley.
Nabatid na pagdating sa Mindanao, malaki rin ang agwat ni Marcos Jr. na nakakuha ng 56%, samantalang si Leni ay may 13.5%.
Ipinaliwanag ni Nunag na lahat ng respondents sa kanilang F2F survey ay pawang botante at ang ibinigay nilang tanong ay: “Kung ngayon gaganapin ang eleksiyon, sino ang inyong iboboto?”
“Tayo ay nagbigay ng sample ballot. Nandun nakasulat ang mga tumatakbong kandidato….ang mga respondents, sila ang nag-shade ng pipiliing kandidato,” ani Nunag.