BAGAMA’T laganap na at tiyak na lalo pang lalawak ang online trading bunsod ng tinatawag na ‘new normal’, wala pang kaukulang ahensiya o sangay ng gobyerno na dapat na magpatupad ng regulasyon at polisiya hinggil dito.
Ito ang binigyan-diin ni House Committee on Trade and Industry Chairman at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian kung kaya iminungkahi niya, sa pamamagitan ng House Bill no. 6122, ang pagbuo ng e-Commerce Bureau na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Trade and Indusry (DTI).
“The Philippines still lacks policies and regulations that will facilitate online transactions and cross-border trade processes which should address concerns including lack of trust, lack of governing entity at the regional level that can fight cybercrime and settle cross-border disputes, difficulty in the process of returning product, and online consumer complaints, among others,” anang kongresista.
Kaya naman sa kanyang panukalang batas, ang bubuuing eCommerce Bureau ay magsisilbing, ‘one stop shop’ na tutugon din sa reklamo ng mga consumer sa anumang internet transactions, at maglalatag ng solusyon na magiging basehan ng iba pang ahensiya ng pamahalaan sa kanilang gagawing aksiyon sa nasabing reklamo.
Nakasaad din sa HB no. 6122, o ang ‘Internet Transactions Act’, ang ‘obligations and liabilities’ ng eCommerce platforms at online merchants, kasama na ang proseso sa paghahatid ng mga produkto na inorder o binili ng customers.
Ayon kay Gatchalian, nais niyang magkaroon ng ibayong proteksiyon ang mga mamimili at pagbibigay ng responsibilidad sa online traders, kabilang ang pagtitiyak na maibibigay ng huli na tama at nasa maayos na kondisyon ang bawat produktong nai-order sa mga ito.
Nais din ng House panel chairman na magkaroon ng ‘code of conduct for online businesses’, kabilang na ang pagpapatupad ng ‘tracking system’ sa deliveries ng online merchants upang matiyak na maipahahatid nito sa tamang oras o araw na napagkasunduan at nasa mabuting kondisyon ang ibinebentang mga produkto. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.