E-PAINTERS BABAWI

pba

Mga laro ngayon:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – Rain or Shine vs Converge
7:30 p.m. – Ginebra vs Terrafirma

SISIKAPIN ng Rain or Shine na makabalik sa winning form habang hangad ng Converge na mahila ang kanilang winning streak sa tatlong laro sa kanilang paghaharap sa PBA On Tour ngayong Biyernes sa Ynares Arena sa Pasig City.

Nakatakda ang salpukan ng Elasto Painters at FiberXers sa alas-5 ng hapon.

Galing ang Rain or Shine sa 107-108 pagkatalo sa Barangay Ginebra noong nakaraang Linggo na pumutol sa unbeaten start ng una sa apat.

Seryoso ang Elasto Painters sa kanilang kampanya sa pre-season tournament..

“Iyun ‘yung paraan para mag-improve kami. We have to take this (On Tour) seriously,” wika ni coach Yeng Guiao, na ginabayan ang Elasto Painters sa quarterfinals sa nakalipas na Commissioner’s Cup sa kanyang pagbabalik noong nakaraang September sa koponan na una niyang hinawakan noong 2011-2016.

“We cannot afford naman na mag-relax kamukha ng ibang teams na kumbaga made na, na they have the talent and they’ve played enough games (together),” dagdag ni Guiao. “Kami hindi, eh. Ito ‘yung paraan para sa amin na makabawi, so sineseryoso namin.”

Hindi rin minamaliit ng Converge ang pre-season tournament at nakahanda sa anumang hamon na maaaring ialok ng Rain or Shine.

Ang FiberXers ay nasa two-game winning streak at target na umangat sa 4-3 kartada.

Muling sasandal si Guiao sa kanyang first unit na sina Rey Nambatac, Beau Belga, Anton Asistio, Shaun Ildefonso, Mark Borboran, Leonard Santillan, Glenn Mamuyac at Jewel Ponferrada.

Itatapat ni Converge coach Alden Ayo ang kanyang mga top gunner na sina Jeron Alvin Teng, Justin Arana, Michael Digregorio, Allyn Bulanadi, Benedict Adamos, at Alec Stockton.

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay maghaharap ang Barangay Ginebra at Terrafirma.
Sa kabila na wala ang kanilang mga kamador ay pinapaboran ang Gin Kings kontra Dyip para kunin ang ika-3 sunod na panalo at ang ika-4 sa pitong laro.

Ang Dyip ay nasa likuran ng Kings sa 3-4, kung saan natalo sila sa kanilang huling laro kontra Phoenix Super LPG Fuel Masters, 92-104.

Bago ito ay naitala ng Terrafirma ang back-to-back wins laban sa NLEX, 110-106, at Meralco, 107-102.

-CLYDE MARIANO