E-PAINTERS BALIK SA PORMA

PBA-1

Mga laro bukas:
(Ynares Arena- Pasig)
5 p.m. – Converge vs NLEX
7:30 p.m. – TNT vs Ginebra

BUMAWI ang Rain or Shine mula sa nakaraang pagkatalo sa pagtarak ng 118-112 panalo kontra NorthPort sa PBA On Tour kahapon sa Ynares Arena sa Pasig.

Pinangunahan ni Leonard Santillan ang balanced scoring ng Elasto Painters na may 20 points kung saan naging matatag sila sa harap ng pressure ng Batang Pier upang makabawi mula sa 88-103 loss sa wala pang talong Magnolia noong nakaraang Sabado sa Dumaguete City.

Umangat ang Rain or Shine sa 7-2 kartada sa kabila ng pagkawala ni head coach Yeng Guiao, na kasalukuyang nagbabakasyon sa ibang bansa. Pansamantalang ginabayan ni chief deputy Mike Buendia ang koponan.

Walang nagawa ang NorthPort para pigilan ang Rain or Shine, na nagpamalas ng teammanship at mas mainit ang shooting kumpara sa 31-of-95 (32 percent) clip kontra Magnolia sa pagtala ng 44-of-80 mula sa field, kabilang ang15-of-35 mula sa tres.

“Wala naman… just continue to do what we were doing, extra work, all of that,” paliwanag ni Anton Asistio sa mabilis na pagbabago mula sa Hotshots game sa preseason series.

“We’re taking this pre-season seriously and all the lessons we can learn we’re gonna take them,” dagdag ni Asistio, na nag-ambag ng 17 points na nakaangkla sa 5-of-8 shooting mula sa arc.

“For us it’s just continue to keep doing what we were doing. Just take the shots we usually take, keep working on them in practice,” aniya.

“I mean, may mga araw na talagang hindi papasok shots mo. But coach Yeng always says na that shouldn’t stop you from taking those shots. Kasi iyon ang gusto niya sa team na ito, na when you’re open just take the shot.”

Umiskor din si Andrei Caracut ng 17 points at nagbigay ng 6 assists habang tumapos sina Shaun Ildefonso, Gian Mamuyac, Beau Belga at Jewel Ponferrada na may hindi bababa sa 10 points bawat isa sa kanila. Nagdagdag si Belga ng 8 boards at 7 sa 34 assists ng Rain or Shine.

Naging epektibo rin ang defensive schemes ng Rain or Shine kina NorthPort top guns Arvin Tolentino at Paul Zamar kung saan umabante ang E-Painters ng hanggang 20 points bago madaling napigilan ang paulit-ulit na paghahabol ng Batang Pier.

-CLYDE MARIANO