E-PAINTERS DINUNGISAN ANG HOTSHOTS

PINUTOL ng Rain or Shine ang pananalasa ng Magnolia at nahila ang kanilang sariling run sa 113-110 panalo sa kanilang PBA Commissioner’s Cup road showdown kagabi sa Aquilino Pimentel International Convention Center Cagayan de Oro.

Sa pangunguna ni import sub Tree Treadwell ay naitala ng Elasto Painters ang ikatlong sunod na panalo matapos ang limang sunod na kabiguan.

Patuloy na binuhat ni Treadwell, isang replacement kay Dajuan Summers, ang ROS, sa pagkakataong ito ay nakakolekta siya ng 30 points, 16 rebounds at 9 assists sa isang near triple-double job.

Sinelyuhan niya ang kanyang matikas na performance sa isang krusyal na offensive rebound mula sa sablay na free throw ni Andrei Caracut sa huling 10 segundo at napigilan ng Elasto Painters ang second-half charge ng Hotshots at ipinalasap sa Magnolia ang kanilang unang kabiguan sa walong laro sa  PBA Season 48.

Ito ang unang pagkatalo ni  coach Chito Victolero at ng kanyang tropa mula pa sa preseason PBA OnTour.

Gayunman ay nanatili ang Hotshots sa liderato at sa Top 4, at mabibiyayaan ng twice-to-beat incentive sa quarters.

Samantala, patuloy sa pagbangon si coach Yeng Guiao at ang kanyang tropa mula sa 0-5 season start. Umakyat sila sa solo eighth spot, pinatalsik ang Terrafirma na may 2-5.

Nakontrol ng E-Painters ang malaking bahagi ng laro, ngunit kinailangang hawiin ang matikas na pakikihamok ng  Magnolia.

Sa huli ay ibinasura ng Rain or Shine ang efforts nina  Tyler Bey (30 points) Paul Lee (22), Barroca (20) at Jio Jalalon (13).

CLYDE MARIANO