E-PAINTERS HIHIGPITAN ANG KAPIT SA NO. 2

pba

Mga laro ngayon:
(Ynares Arena- Pasig)
5 p.m. – Meralco vs NLEX
7:30 p.m. – Rain or Shine vs TNT

SISIKAPIN ng Rain or Shine na simulan ang isa pang run matapos ang kagyat na pagbangon mula sa nag-iisang talo sa PBA On Tour sa pagsagupa sa TNT ngayong Miyerkoles sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Nakatakda ang salpukan ng Elasto Painters at Tropang Giga sa alas-7:30 ng gabi matapos ang duelo ng Meralco at NLEX sa alas-5 ng hapon.

Galing ang Rain or Shine sa 127-110 panalo kontra Converge, apat na gabi makaraang malasap ang 107-108 kabiguan sa Barangay Ginebra.

Nasa kalagitnaan ng kanilang kampanya sa preseason series, ang tropa ni coach Yeng Guiao ang second best-performing team sa 5-1, sa likod ng unbeaten Magnolia Hotshots (8-0).

Samantala, ang Tropang Giga ay nasa ilalim ng standings at wala pang panalo sa anim na laro dahil naglalaro ito na wala sina Jayson Castro, Mikee Williams, Kelly Williams, RR Pogoy at Poy Erram.

Ang ika-6 na pagkatalo ay nalasap ng TNT kontra San Miguel, 74-111.

At maaaring mahirapan na ang koponan na makabawi dahil umaasa na lamang ito kina Carl Bryan Cruz, Jaydee Tungcab, Kib Montalbo, Dave Marcelo at Paul Varilla.

Sa huli nilang laro ay walo lamang ang kanilang players. Galing sa bench sina Peter Alfaro III, Clifford Jopia at Damie Cuntapay.

-CLYDE MARIANO