Mga laro sa Miyerkoles:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – Converge vs Blackwater
7:30 p.m. – Ginebra vs Phoenix
KULANG sa tao, ngunit hindi sa puso.
Pinataob ng 10-man Rain or Shine ang Terrafirma, 121-95, upang makopo ang ika-4 na sunod na panalo sa PBA On Tour nitong Linggo sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sa pagliban nina Beau Belga at Jhonard Clarito dahil sa personal commitments at sinamahan si injured Mark Borboran (chest contusion) sa inactive list, ang Elasto Painters ay nagtulong-tulong sa buong 48 minuto upang maitakas ang panalo.
Ang lahat ng 10 players ni coach Yeng Guiao ay umiskor, pito sa kanila ang tumapos sa double figures.
Nagbuhos si Rey Nambatac ng 21 points, tampok ang tatlong triples, tumipa si Gian Mamuyac ng 16, nagtala sina Shaun Ildefonso at Andrei Caracut ng tig-14, kumubra si Mac Belo ng 13, gumawa si Anton Asistio ng 11 at nagposte si Santi Santillan ng 10 sa balanced attack.
Nag-ambag sina Jewel Ponferada at Nick Demusis ng tig-9 points habang nakakolekta si Gabe Norwood ng apat para makumpleto ang produksiyon ng wala pa ring talong Elasto Painters.
Nagbigay ang ROS ng 29 assists upang ipakita ang doing-itby-committee approach nito at umiskor ng 28 fastbreak points.
“Ayaw ni coach na mag-slow down kami at tulad ng gusto niya, we keep pushing the ball,” sabi ni Nambatac. “Hopefully madala namin ito in the coming season.”
Maagang naginit ang E-Painters at kinuha ang 22-11 kalamangan.
Nagawang tapyasin ng Dyip ang deficit sa limang puntos sa pagtatapos ng first period subalit sumagot ang tropa ni Guiao ng 36-23 exchange sa second upang muling makalayo sa 65-47.
Nanguna si Juami Tiongson na may 25 points para sa Terrafirma, na nabigong masundan ang 104-92 panalo kontra TNT at nahulog sa 1-3 sa preseason.
-CLYDE MARIANO
Iskor:
Rain or Shine (121) – Nambatac 21, Mamuyac 16, Caracut 14, Ildefonso 14, Belo 13, Asistio 11, Santillan 10, Ponferrada 9, Demusis 9, Norwood 4.
Terrafirma (95) – Tiongson 25, Alolino 13, Ramos 12, Camson 11, Daquioag 10, Gomez de Liano 8, Go 7, Grospe 2, Taladua 2, Alanes 2, Calvo 1.
QS: 29-24, 65-47, 85-69, 121-95