BAGONG liga para sa bagong bidang manlalarong Pilipino.
Ilalarga ng East Asia Basketball League (ESBL) ang Philippine Youth Basketball League 23-and-Under Open Invitational Conference sa Setyembre 2 sa covered court ng Brgy. Jesus Dela Pena Gym sa Marikina City.
Inorganisa ng ESBL na pinamumunuan nina Dr. Norman Afable, Founder and Sports CEO, at Dr. Joseph Ross Jocson, Chairman-Batang Maynila, ang bagong liga ay isang inter-town at school-based league. Kasama nila sa Executive Committee sina Ricky Magallanes, US- based coach; FIBA International Referee Roger Basillio bilang league commissioner; FIBA Referee at Commissioner Reynaldi Manalac; Thailand-based coach at Commissioner Jojo Castillo; AFP Philippines coach at Commissioner Sonny Manucat; FIBA International Head Technical at Commissiner Lito Macaspac at Bishop Ceasar Pacis, Missionary Pastor and Spiritual Leader.
Layunin ng liga na makatuklas at mahubog ang talento ng mga kabataan, higit yaong tinatawag na out-of-school youth, upang mabigyan ng pagkakataon na makabangon sa buhay at maitaas ang antas ng kaalaman at kasanayan sa larangan ng basketball.
“Binuo namin ito, tulong-tulong kami sa Executive Committee upang mabigyan ng karagdagang avenue ang ating mga kabataan na maipamalas ang kanilang kahusayan at mabigyan ng pagkakataon para maituloy ang kanilang mga pangarap. Ika nga, ‘everyone deserves a second chance’. Mula rito, maaaring maging kinatawan sila ng bansa sa East- Asia Pacific Region league,” pahayag ni Afable.
“May mga kaibigan tayo sa iba’t ibang bansa na nagpahayag ng kanilang hangarin na makasali sa liga, gayundin ang makahanap ng mga players na puwedeng maglaro sa kanilang mga liga. Kaya malaking oportunidad ito para sa ating manlalarong Pinoy,” ayon kay Afable.
Bilang panimula, kabilang sa mga koponan na sumagot sa hamon ang Taytay Smile City, SMASH Navotas, Sta. Rosa Asiatech Jaguars, Makati Selection, RPBY EastDental Clinic Marikina, Fantastic San Pablo City at MAPUA Cardinal.
Bukod sa karangalan bilang unang kampeon ng ligang ito, pinaglalabanan din ng bawat koponan ang premyong P50,000 para grand champion, at trophies at medals naman para sa 1st at 2nd runners up.
-EDWIN ROLLON